Upper Middle Income Status is out, ang ekonomiya ng Filipinas tungong first world is in!
Ni Albert Lagrimas
College of Arts and Sciences
Naging mainit na balita sa buong bansa ang pag-angat sa estado ng Pilipinas mula Mababa sa Katamtamang Kita na antas o ‘Lower Middle income status’ tungo sa Mataas na Katamtamang Kita na antas o ‘Upper Middle income status.’1 Gayonpaman, hindi na ito nakapagtataka at inaasahan na ito batay sa masusing pag-aaral ni Dr. Bernardo M. Villegas (BMV) isang ekonomista ng Pilipinas at propesor emeritus ng Univesity of Asia & the Pacific. Sa katunayan, ayon pa rin kay Dr. Villegas, sa taong 2040, ang ekonomiya ng Pilipinas ay lalo pang lalago hanggang sa Mataas na Kita o ‘High-income’ kung magagawa ng Pilipinas ang patuloy na repormang estrukturál at pandaigdigang pagbabago na nakatala rin sa ‘Ambisyon 2040’ mula sa pag-aaral ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) ng bansa.
Sa madaling salita, nangangahulugan ito na sa nakalipas na dalawang dekada, ang Gross National Income (GNI) per capita ng Pilipinas ay mahigit triple, na umabot sa $4,470 noong 2024. Ang ekonomiya ay lumikha ng 11.7 milyong bagong trabaho, at nangangahulugang ang paglago ng trabaho ay mas mabilis kaysa sa pagtaas ng lakas-paggawa, na nagresulta sa mababang antas ng kawalan ng trabaho at kakulangan sa trabaho. Gayundin, nabawasan nang malaki ang antas ng kahirapan mula 16.7% noong 2018 patungong 15.5% noong 2023. Dagdag pa ni Dr. Rogelio Alicor Panao, isang associate professor sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman at data scientist ng Inquirer, na ang mga klasipikasyon ng kita ng World Bank ay mas maiintindihan bilang paraan ng pagpapangkat sa ekonomiya batay sa karaniwang kita, sa halip na tignan bilang pagsusuri sa kalidad ng pamumuhay ng mamamayan.2
Ang ganitong usapin ng bansa ay mahirap unawain kaya marami ang nagtataka sa ulat na inilabas ng World Bank. Sa nakalipas na maraming taon, isa si Dr. Villegas sa matiyagang nagpapaliwanag sa estado ng ekonomiya ng bansa upang maintindihan ito ng pangkarawaniwang mamamayan. Dahil ang ekonomiks ay hindi lamang dapat nauunawaan ng mga eksperto kundi ng lahat. Totoong hámon ito na maipaunawa lalo na sa pangkaraniwang mamayan mula sa antas ng barangay hanggang sa pambansa. Paalala ni G. Mabaggu “ang ekonomiya ay dapat laging para sa tao, ang pag-unlad ay dapat laging para sa lahat, at ang pag-angat ng bansa ay dapat laging may kaakibat na pag-angat ng dangal, responsabilidad, at kabutihang panlahat.”3 Kaya naman, dito inianak ang proyekto ng Kagawaran ng Filipino ng College of Arts and Sciences – ang 4Ps o “Pamanang BMV: Pagdalumat, Pangarap, at Pagsasalin” upang maging tulay sa lalo pang pag-unawa at pagpapalawak ng konsepto ng ekonomiya sa bansa.
Paano nga ba dapat isalin ang ‘fiscal deficit, farm to market road, emerging market, GNP, GDP, credit rating, labor intensive, medium scale enterprises, low, middle at high income status at iba pang termino na hindi natin alam ang kahulugan o walang salin sa Filipino na wikang higit na naiitindihan ng lahat.
Ang pamagat ang unang hamon sa lahat
Kapag pinag-uusapan ang Ekonomiya ng Filipinas hindi mawawaglit sa aking isipan ang aming huntahan sa pagsasálin ng aklat ni Dr. Villegas na may pamagat na “The Philippine Economy towards First World Status” na may salin na: “Ang Ekonomiya ng Filipinas tungong First World.” Sa pagtatangka pa lámang na isalin ang pamagat ng aklat, bakás na ang hámon upang maisalin ito. Bakit nga ba ganito ang salin ng pamagat na ginawa ng Kagawaran? Mapapansing ginamit ang ‘Filipinas’ sa halip na Pilipinas, ginamit din ang First World sa halip na Unang Daigdig, at ang ‘status’ sa halip na nakasanayang salin na estado? Malinaw ang tunguhin ng kagawaran sa pagsasálin, ito ay dapat maging ‘eleganteng’ Filipino hindi Tagalog ang wikà, na higit na angkop sa nagbabagong panahon. Ayon kay Dr. Villegas, “Even the very title indicates that the translation is in Filipino, not Tagalog, and will therefore appeal to at least the two youngest generations—the Millennials and Centennials.”
Ang pagsasalin bilang isang larang
Mahalagang mapanatili ang katumpakan ng impormasyon dahil anumang pagkakamali ay maaaring magdulot nang maling interpretasyon o seryosong epekto sa mga gagamit ng teksto, lalo na sa larang ng medisina, batas, at agham. Sa katunayan, kahit hindi ka tagasalin lahat tayo ay nahaharap sa gawaing pagsasalin. Lagi tayong tinatanong o tinatanong natin ang sarili kung ano ba ang salin ng iba’t ibang salita sa araw-araw. Lantad man ang gawaing pagsasalin o hindi, personal man ito o dahil sa pangangailangan, mahalaga ring mataya ang mga umiiral na praktis sa pagsasalin at matiyak ang mga pagpapahalagang maaaring makaapekto sa tagasalin o proseso nito sa panahon ngayon.
Mabilis nating naiintindihan ang pagsasalin sa literal na pamamaraan. Katulad ng pagsasalin ng tubig na nasa pitsel patungo sa baso bilang bagong sisidlan ng tubig. Kung ano ang laman ng pitsel ay dapat ganoon din ang naisasalin sa baso. Kung dadalumatin, ang gawain ito, hindi ito ganoon kasimple. Ang tunay na hamon sa pagsasalin ay siguruhing gayundin ang lalabas dito mula sa pinanggalingan nito batay sa kulay, anyo, laman, at linaw ng tubig. Ganito rin sa pagsasalin, kasama rito ang leksikal at semantikang bahagi ng wika maging ang (1) kahulugan batay sa konsepto, layunin, at kultura, (2) estruktura mula sa gamit, idyoma o matalinghagang salita, (3) estilo kung anong pinagbatayang teorya o nilapat sa pag-aaral, at ang huli ay ang (4) pinaglalaanan nito – sino ba ang mambabasa at kanino ito nauukol (?) upang ganap na mahuli ang kahulugan at masigurong maisasalin ito nang maayos.
Isa ito sa nagtutulak sa lalo pang pangangailangan at propesyonálisasyon ng pagsasálin. Kaya natatangi ang sub-area ng teknikal na pagsasalin dahil higit itong nakatuon sa pagiging eksakto, obhetibo, at sistematiko kumpara sa malikhaing pagsasáling pampanitikan. Kung sa pampanitikang pagsasalin ay mahalaga ang estilo, estétiká, at emosyon ng teksto, sa teknikal na pagsasálin naman ay higit na pinahahalagahan ang kalinawan, konsístensí, at katumpakan ng terminolohiya.
Gayundin, ang tagasáling teknikal ay dapat may sapat na kaalaman hindi lamang sa wikà kundi maging sa espesyalisadong larang na kaniyang isinasalin katulad ng doktor upang magkaroon ng tamang diagnosis at mapagtagumpayang malunasan ang sakit ng kanyang pasyente. Ganito rin sa bahagi ng pagsasalin, kinakailangan ng tamang pamamaraan upang tamang maisalin ang lahat ng nakapaloob dito mula sa Simulaang Lengguwahe (SL) patungong Tunguhang Lengguwahe (TL).
Sa patuloy din nating pagyakap sa AI o Artificial Intelligence, hindi kailanman magiging sapat ang Google translate, ChatGPT, Claude, at iba pang application kaugnay rito. Mali ring sabihing bakit pa may pagsasalin? May Google na naman hindi ba? Ang pahayag na ito’y kamangmangan sa tunay at nararapat na pagpapahalaga sa disiplina. Higit din nating dapat pag-isipang mabuti ang magagawa ng AI sa ating buhay. Dagdag pa ni Newmark, “I take technical translation as potentially (but far from actually) non-cultural, therefore ‘universal’; the benefits of technology are not confined to one speech community.”4 Higit sa lahat, ano ba ang gusto nating ipamana sa susunod na henerasyon - ang kawalan ba ng pagkilala o tuluyang pagkitil o pag-alis sa isang disiplinang maaring magturo sa kabataan ng tama at huhubog sa kanilanang kamalayan na patuloy na mag-aambag sa ikapapanuto ng lahat? Napakahalaga ring gamitin bilang lente ang ambag ng mga naging susi sa pundasyon ng pag-aaral sa pagsasalin tulad nina Eugene Nida hinggil sa Dynamic Equivalence na nagpapakita sa kahalagahan ng pag-angkop ng mensahe sa target na mambabasa.5 Binigyang-diin naman ni Peter Newmark ang pagkakaiba ng Semantic at Communicative translation na mahalaga sa teknikal na pagsasalin.6 Gayundin, ang pagtalakay ni Susan Bassnett ng interdisciplinary nature ng translation studies at ipinakita naman ni Mona Baker ang papel ng diskurso at konteksto sa pagsasalin bilang disiplinang may kaugnayan sa lipunan, kultura, at komunikasyon.7
Ang tagapagsalin ay hindi lamang tagapaghatid ng mensahe kundi isa ring tagapag-ugnay ng kaalaman at kultura. Sa pananaw ni Shapiro ang pagsasalin ay “attempt to produce a text so transparent that it does not seem to be translated. A good translation is like a pane of glass. You only notice that it’s there when there are little imperfections— scratches, bubbles. Ideally, there shouldn’t be any. It should never call attention to itself.”8 Mahalaga itong maging batayan sa proseso ng pagsasalin upang makalikha ng natural na salin at makapagtakda ng tiyak na pamantayan sa pagsasalin. Totoong isang masalimuot na proseso ang pagsasalin. Ito ang sinuong ng mga guro sa Kagawaran ng Filipino upang maisakatuparan ang layunin ni Dr. Villegas at magsisilbing “Pamanang BMV: Pagdalumat, Pangarap, at Pagsasalin” upang maging tulay sa lalo pang pag-unawa at pagpapalawak ng konsepto ng ekonomiks sa bansa tulad ng lower, upper middle income status tungong First World upang higit na maunawaan ang ekonomiya ng Filipinas.
Pamana Wika: Isang epektibong behikulo sa pagsasalin
Sa Filipinas, maraming mamamayan ang higit na nakauunawa ng impormasyon kapag ito ay nasa Tagalog o katutubong wika. Napatunayan na natin ito noong panahon ng pandemic. Isa sa mga sintomas ng COVID-19 ay ang ‘ageusia.’9 Kung sisipatin, wala nga ba talaga tayong panumbas nito sa Filipino at sa ibang medikal na salita o sadyang nakasanayan na natin ang panghihiram at pangongopya sa halip na gawin ang paghango at pagpapalit (?) kahit pa mayroon tayong 130 aktibo at buhay na mga wika na magagamit sa bansa ayon sa pagtaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (2016). Noong panahon ng mga Kastila, naging suliranin din ang paggamit ng wika “Ang isa sa naging pangunahing suliranin noon ay kung sa aling wika tuturuan ang mga Pilipino. Nilutas ang problema sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga katutubo sa sariling wika.10 Malinaw itong hakbang sa proseso ng paghango at pagpapalit lalo na sa teknikal na pagsasalin.
Mula rito, kailangan lamang nating gamitin at linangin ang ating wika batay sa dimensiyon ng pagpaplanong pangwika ni Haugen at gawin ang propagasyon at elaborasyon ng wika.11 Kailangan lamang tayong maniwala na kaya ito ng ating wika upang tuloy-tuloy nating mapalitan at makalikha ng mga salita tungo sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Katulad ng sinabi ni Dr. Jose Rizal, “Ang wika kapag mahusay na sinasalita, kasinghalaga ang Tagalog ng anupamang wika. Napakayaman ng talasalitaan nito para magpahayag ng damdamin at mga gawaing pang-araw-araw.”12
Dahil din dito, nagiging instrumento ang teknikal na pagsasalin upang maipalaganap ang kaalaman sa mas malawak na sektor ng lipunan kung saan papasok ang iba’t ibang disiplina mula sa antas ng HEIs o Higher Education Instituion - mga kolehiyo o unibersidad salig sa DO #52, serye, 1987 na nagsasabing “Tertiary level institutions shall lead in the continuing intellectualization of Filipino.”13 Malinaw, lantad, at mapanghamon ang tungkuling ito. Ang intelektuwalisasyon ay dapat isinusulong at ginagawa sa mga unibersidad at kolehiyo. Ang pagsasalin ng mga babasahing pangkalusugan, batas, at impormasyon ukol sa kalamidad ay nakatutulong upang maging mas inklusibo ang akses ng mamamayan sa mahahalagang impormasyon. Sa ganitong paraan, ang pagsasalin ay hindi lamang akademikong gawain kundi isang panlipunang tungkulin. Maiuugnay rin ang akademikong disiplina ng pagsasalin sa mas malawak na sitwasyon ng lipunan dahil ito ay may direktang epekto sa edukasyon, komunikasyon, at pambansang pag-unlad. Sa edukasyon, mahalagang maisalin ang akademikong mga kagamitan upang maging mas madaling maunawaan ng mga mag-aaral ang komplikadong konsepto sa agham, matematika, at teknolohiya. Sa larang naman ng pamahalaan at serbisyong publiko, nagiging mahalaga ang pagsasalin upang maiparating sa taumbayan ang mga patakaran at impormasyon. Ipinapakita rito na ang pagsasalin ay isang paraan ng democratization of knowledge o pagpapalawak ng akses sa kaalaman para sa lahat.
Tunay ngang mahirap pasukin ang disiplina ng pagsasalin lalo na’t kung dadalumatin ang sub-area nito sa usapin ng teknikal ngunit kung hindi ito pag-aaralan mas magiging malaki ang puwang ng pagsasalin sa lipunan. Matutugunan lamang ang puwang na ito kung itataas natin ang ating kaalaman, kasanayan, at praktika at pagpapahalaga sa ating wika bilang isang mahalagang propesyon at akademikong larang. Isang pamanang maipagmamalaki at magbabalik dangal sa ating pagiging Pilipino.
Kaya tara na’t magsalin! Basahin at abangan ang kopya ng aklat na “Ang Ekonomiya ng Filipinas tungong First World” ni Dr. BMV na isinalin nina: Dr. Moreal N. Camba, Dr. Leodivico C. Lacsamana, G. Louise Vincent B. Amante, G. Albert A. Lagrimas, at G. John Errol Velasco.
Sanggunian
Antonio, L. 1986. “Ang Pagsasaling-Wika at Pananampalataya.” Malay 5, no. 1. https://ejournals.ph/article.php?id=7697.
Baclig, Cristina. 2026. “What an Upper-Middle-Income Status Means for the Philippines.” Philippine Daily Inquirer. https://business.inquirer.net/598444/what-an-upper-middle-income-status-means-for-the-philippines.
Baker, Mona. 1992. In Other Words: A Coursebook on Translation. London: Routledge.
Bassnett, Susan. 2002. Translation Studies. 3rd ed. London: Routledge.
Coroza, Michael M. 2016. “Taksil Daw ang Tagasalin? Isang Pag-unawa sa Pagsasalin Bilang Disiplina.” Katipunan: Journal ng mga Pag-aaral sa Wika, Panitikan, Sining at Kulturang Filipino 1, no. 1: 29–39. https://www.scribd.com/document/375269784/2199-7812-1-PB-pdf.
Department of Education (DepEd). 1987. Department Order No. 52, s. 1987: The 1987 Policy on Bilingual Education. May 21, 1987. https://www.deped.gov.ph/1987/05/21/do-52-s-1987-the-1987-policy-on-bilingual-education/.
Newmark, Peter. 1988. A Textbook of Translation. New York: Prentice Hall. https://archive.org/stream/ATextbookOfTranslationByPeterNewmark/a%20textbook%20of%20translation%20by%20peter%20newmark_djvu.txt.
Nida, Eugene A. 2000. “Principles of Correspondence.” In The Translation Studies Reader, edited by Lawrence Venuti. London: Routledge. https://newuniversityinexileconsortium.org/wp-content/uploads/2022/07/Week-6-Dynamic-equivalence-and-formal-equivalence-Nida-1964-1.pdf.
Ocampo, Nestor S. 2002. May Gawa na Kaming Natapus Dini: Si Rizal at ang Wikang Tagalog. Quezon City: Office of the Vice Chancellor for Research and Development, University of the Philippines.
Polack, Fernando P., Stephen J. Thomas, Nicholas Kitchin, Judith Absalon, Alejandra Gurtman, Stephen Lockhart, John L. Perez, et al. 2020. “Safety and Efficacy of the BNT162b2 mRNA Covid-19 Vaccine.” New England Journal of Medicine 383: 2603–2615. https://doi.org/10.1056/NEJMoa2034577.
ScienceDirect. “Ageusia.” ScienceDirect Topics. Accessed May 29, 2026. https://www.sciencedirect.com/topics/medicine-and-dentistry/ageusia.
Sison-Buban, Raquel E. 2014. “Ang Pagsasaling Teknikal: Pagsipat sa Praktika at Pagpapahalaga / Technical Translation: Revisiting the Practice and Essentials.” Malay 26, no. 2: 117–127. https://ejournals.ph/article.php?id=8058
Venuti, Lawrence. 1995. The Translator’s Invisibility: A History of Translation. London: Routledge. https://cbpbu.ac.in/userfiles/file/2020/STUDY_MAT/ENGLISH/JS/venuti.pdf.
Warren, N. 2020. “National Haiku Day: COVID-19 Edition.” Erie Reader. https://www.eriereader.com/article/national-haiku-day-covid19-edition.
World Bank, “Philippines,” World Bank, accessed July 9, 2026, https://www.worldbank.org/ext/en/country/philippines
World Bank, “Philippines,” accessed July 9, 2026, https://www.worldbank.org/ext/en/country/philippin
Cristina Baclig, “What an Upper-Middle-Income Status Means for the Philippines,” Philippine Daily Inquirer, 2026, https://business.inquirer.net/598444/what-an-upper-middle-income-status-means-for-the-philippines.
G. Mabaggu, 2026.
Peter Newmark, A Textbook of Translation (New York: Prentice Hall, 1988), 151.
Eugene A. Nida, “Principles of Correspondence,” in The Translation Studies Reader, ed. Lawrence Venuti (London: Routledge, 2000).
Newmark, Textbook of Translation.
Susan Bassnett, Translation Studies, 3rd ed. (London: Routledge, 2002); Mona Baker, In Other Words: A Coursebook on Translation (London: Routledge, 1992).
Norman Shapiro, quoted in Lawrence Venuti, The Translator’s Invisibility: A History of Translation (London: Routledge, 1995), 1.
ScienceDirect, “Ageusia,” ScienceDirect Topics, accessed May 29, 2026, https://www.sciencedirect.com/topics/medicine-and-dentistry/ageusia.
L. Antonio, “Ang Pagsasaling-Wika at Pananampalataya,” Malay 5, no. 1 (1986), https://ejournals.ph/article.php?id=7697.
E. Haugen, 1966.
Nestor S. Ocampo, May Gawa na Kaming Natapus Dini: Si Rizal at ang Wikang Tagalog (Quezon City: Office of the Vice Chancellor for Research and Development, University of the Philippines, 2002), 261.
Department of Education, Department Order No. 52, s. 1987: The 1987 Policy on Bilingual Education, May 21, 1987, https://www.deped.gov.ph/1987/05/21/do-52-s-1987-the-1987-policy-on-bilingual-education/.


