Siyásik, palapit na
Ni Michaela Angela Conde
1-6YP Master of Arts in Political Economy with specialization in International Relations and Development Student
Ang Kagawaran ng Filipino - Center for Liberal Education, at ang Junior College Program, ay magsasagawa ng ikalawang pangkumperensiyang pananaliksik na pinamagatang “Siyásik 2026: Pagdalumat sa Wika at Kulturang Filipino,” na may temang “UNITAS: Unang Hakbang tungo sa Intelektuwalisasyon mula sa iba’t ibang larang.”
Saan nga ba nagmula ang salitang “Siyásik”? Batay sa etimolohiya ng salita, nagmula ito sa salitang “siyasat” at “pananaliksik,” na nangangahulugang “masusing pagsusuri o pananaliksik.” Layunin ng kumperensiyang: (1) mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa kanilang kurso, edukasyon, at bansa; (2) pagpapahalaga sa wikang Filipino at intelektwalisasyon ng Filipino; at (3) gampanin ng kabataan sa pagtataguyod ng pag-aaral ng Araling Panlipunan. Gayundin, inaasahang magiging mas makabuluhan ito sa kanilang pag-aaral at personal na pag-unlad bilang mga mag-aaral na nasa isang unibersidad.
Gaganapin ang Siyásik 2026: Pagdalumat sa Wika at Kulturang Filipino sa Li Seng Giap Awditoryum, 2–3 palapag, gusali ng ACB sa Mayo 13, 2026 mula 9:00 n.u. hanggang 12:30 n.t. Tampok sa kumperensiyang ito ang pinakamahuhusay na pamanahong papel na produkto sa asignaturang FILKOM 011 – Mabisang Komunikasyon mula sa bawat block ng Junior College Program, mula sa 16YP1 hanggang sa 16YP5. Ang mga pag-aaral na ito ay tinatalakay ang mas malalim na pag-unawa sa wika at kulturang Filipino, at kung paano ito nagagamit sa pagtalakay ng mga isyung panlipunan ng bansa.
Sa isang mundong patuloy na nagbabago dahil sa globalisasyon, ipinapakita ng Siyásik 2026 na ang wikang Filipino ay hindi lamang midyum ng komunikasyon, kundi isang buhay na instrumento ng intelektuwalisasyon at paglikha ng kaalaman. Ipinapakita rin nito na ang kabataan ngayon ay may kakayahang maging mapanuri. Sila’y handang mag-ambag ng mahahalagang ideya sa pagpapaunlad ng wika at kultura ng bansa. Tara na’t magsiyasik na!



