Idinaos ng Unibersidad ng Asia and the Pacific (UA&P) ang kauna-unahang pagdiriwang ng Linggo ng Wika nitong Setyembre, sa pangunguna ng Center for Liberal Arts, Kagawaran ng Filipino, at Junior College Program. Ang tema ngayong taon ay “Guni-gunita sa Intelektuwalisasyon ng Wika at Kulturang Filipino.” Sa pamamagitan ng iba’t ibang gawaing pangkultura at pang-akademiko, binigyang-diin ng pagdiriwang ang pagpapahalaga sa wikang Filipino, kulturang Pilipino, at pagkakakilanlan ng bawat mag-aaral bilang Pilipino.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang Natatanging Kasuotan, Tagisan ng Talino, at Timpalak sa Pagsulat ng Tula, na nagbigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na ipamalas ang kanilang pagkamalikhain, kaalaman, at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino.
Isinagawa ang seremonya ng pagpaparangal noong Setyembre 16, 2026, kung saan kinilala ang mga mag-aaral na nanguna sa iba’t ibang patimpalak. Lalo ring naging makulay ang programa sa pamamagitan ng mga musical number mula sa mga mag-aaral ng Grade 11, na tampok ang mga kontemporaryong awitin at Original Pilipino Music (OPM).
Binigyang-pugay ni Dr. Moreal Camba, Vice Dean for Faculty and Student Affairs ng College of Arts and Sciences, ang sama-samang pagsisikap ng mga guro, hurado, kawani, at higit sa lahat, ng mga mag-aaral na naging bahagi ng pagdiriwang.
Sa kanyang mensahe sa pagtatapos ng programa, binigyang-diin ni Mrs. Elerosa Caparas, Direktor ng Junior College Program, na ang tunay na diwa ng Linggo ng Wika ay higit pa sa isang linggong pagdiriwang.
“At ’yan naman talaga ang dahilan ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Hindi lang ito tungkol sa pagsusuot ng Filipiniana o Barong. Hindi lang tungkol sa pagbigkas ng ‘Mabuhay!’ o pagsali sa isang programa. Sana hindi lang siya isang Linggo o isang Buwan.
Dahil ang dapat araw-araw na isinasabuhay ang pagnanais nating ipagmalaki kung sino tayo at ang diwa ng pagiging Pilipino.
Ang tanging hiling ko: saanman kayo makarating, huwag kayong maging sobrang global na makalimutan ninyo kung saan kayo nagmula.
Maaari kayong maging world-class at manatiling pusong Pinoy.
Maaari kayong maging mahusay at manatiling mapagpakumbaba, at kilalanin nang may pagmamalaki ang tatak Pinoy.
Maaari kayong mamuno—at marunong pa ring maglingkod.
Sapagkat ang pagiging Pilipino ay hindi isang bagay na iniiwan natin kapag tayo ay umaalis sa Pilipinas. Bahagi ito ng kung sino tayo, at dala-dala natin ito saanman tayo mapunta.”
Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, ipinamalas ng UA&P community na ang pagpapahalaga sa pagka-Pilipino ay hindi nagtatapos sa isang programa o pagdiriwang. Sa halip, ito ay isang pagpapahalagang patuloy na hinuhubog at isinasabuhay—kasabay ng paghahanda sa mga mag-aaral na makibahagi sa isang pandaigdigang lipunan nang hindi kinakalimutan ang kanilang pinagmulan.
Sa UA&P, ang pagiging world-class ay maaaring sabayan ng pagiging pusong Pinoy—mahusay ngunit mapagpakumbaba, handang mamuno, at higit sa lahat, handang maglingkod.




