Ni Albert A. Lagrimas
Instructor, College of Arts and Sciences
Maituturing ba nating intelektuwal ang wikang Filipino? Isa ito sa mga tanong na minsan kong ibinato sa aking klase. Hati ang sagot ng mga mag-aaral. May buong kumpiyansa at malakas na sumasagot ng “Oo!” Mayroon namang mariing nagsabi ng “Hindi!” At mayroon ding nanatiling tahimik, nakatingin lamang at tila naghihintay kung ano ang magiging sagot o marahil ay hindi pa talaga nakabuo ng sariling pananaw tungkol dito.
Ngunit kung ikaw ang tatanungin: Maituturing ba nating intelektuwal ang wikang Filipino? Sa unang tingin, maaaring sabihin ng ilan na ang Filipino ay simpleng wika lamang ng pang-araw-araw na pakikipag-usap. Ginagamit natin ito sa tahanan, sa palengke, sa pakikipagkuwentuhan, sa social media, at sa karaniwang pakikipamuhay. Samantala, kapag pinag-uusapan na ang siyensiya, teknolohiya, batas, pilosopiya, pananaliksik, at iba pang larangan ng akademya, tila mas madaling lumipat sa Ingles.
Marahil ay dito tayo nagkakaroon ng problema. Hindi ba’t ang isang wika ay nagiging intelektuwal hindi dahil sa pangalan nito, kundi dahil sa lawak at lalim ng mga kaisipang naipapahayag nito? Kung kayang gamitin ang Filipino upang talakayin ang batas, ekonomiya, kasaysayan, agham, teknolohiya, pilosopiya, pananaliksik, at maging ang mga bagong usapin tungkol sa artificial intelligence, bakit natin ito ituturing na mababa o kulang? Ang tunay na tanong marahil ay hindi kung intelektuwal ba ang Filipino, kundi ginagamit ba natin ito sa mga gawaing intelektuwal?
Ang Filipino ay Higit pa sa pangngalan, pandiwa at pang-uri
Minsan ay may nagtanong sa akin kung bakit maging ang Konstitusyon 1987 ay pinag-aaralan sa aking klase. Ang sagot ko ay simple: “Bakit hindi!” Ang Konstitusyon ang pinakamataas na batas ng ating bansa. At bagama’t gasgas na marahil ang kasabihang “Ignorance of the law excuses no one,” nananatili itong mahalagang prinsipyo na hindi maaaring gawing dahilan ang kamangmangan sa batas upang takasan ang pananagutan.
Ngunit bakit ito nauugnay sa Filipino? Sapagkat ang wika ay hindi lamang instrumento ng pakikipag-usap. Ito ay instrumento ng pag-unawa. Ang mga batas, karapatan, tungkulin, patakaran, at prinsipyo ng ating lipunan ay kailangang maunawaan ng mamamayan. At paano natin mauunawaan ang isang bagay kung hindi natin ito kayang ipaliwanag sa wikang nauunawaan ng nakararami?
Maging ang wika mismo ay kinikilala sa ating Saligang Batas. Kaya hindi kataka-takang maging bahagi ng pag-aaral ng Filipino ang mga konseptong may kaugnayan sa lipunan, batas, kultura, kasaysayan, komunikasyon, at iba pang larangan ng kaalaman.
Marahil ay nagtataka ang ilan kung bakit sa isang “simpleng” asignaturang Filipino ay pinag-aaralan ang mga batas, teorya, isyung panlipunan, kasaysayan, kultura, at maging mga usaping pandaigdig. Nasanay kasi tayo sa tradisyunal na pagtingin sa Filipino na pinag-aaralan lamang ang simpleng gramatikang aralin tulad ng pangngalan, pandiwa, pang-uri, pang-abay, simuno at panaguri, ayos ng pangungusap, at wastong paggamit ng mga salita.
Mahalaga ang mga ito. Ngunit hindi dito nagtatapos ang Filipino. Ang Filipino ay hindi lamang pag-aaral ng estruktura ng wika. Ito ay pag-aaral kung paano ginagamit ang wika upang mag-isip, mangatuwiran, magsuri, makipagtalastasan, lumikha, magpahayag ng saloobin, at higit sa lahat - bumuo ng kaalaman.
Sa katunayan, minsan ay tayo mismo ang nagiging dayuhan sa sarili nating wika. Nakapagsasalita tayo ng Filipino ngunit nahihirapang gamitin ito sa mga diskursong akademiko. Mas komportable tayong magsulat ng isang konsepto sa Ingles kaysa subukang ipaliwanag ito sa Filipino. At dito natin kailangang baguhin ang ating pananaw.
Ang Filipino bilang De Facto at De Jure
Mahalagang maunawaan ang kalagayan ng Filipino sa pamamagitan ng konsepto ng de facto at de jure. Ang de jure ay tumutukoy sa kung ano ang kinikilala at itinatakda ng batas, samantalang ang de facto ay tumutukoy sa kung ano ang aktuwal na umiiral at ginagamit sa lipunan. Sa usapin ng Filipino, mahalagang pag-isahin ang dalawang ito. Hindi sapat na kinikilala lamang ng batas ang Filipino bilang wikang pambansa. Kailangang makita rin ang tunay at malawak nitong gamit sa buhay ng mga Pilipino.
May tiyak na gampanin ang Filipino bilang wikang pambansa, wikang opisyal, at wikang panturo. Malinaw ang batayang konstitusyonal nito. Ayon sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng 1987 Saligang Batas: “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika sa Pilipinas at iba pang mga wika.”
Samakatuwid, ang Filipino ay hindi isang wikang dapat manatiling nakapirmi. Ito ay buhay at dinamiko. Isang wikang dapat na patuloy na nililinang, pinayayaman, at pinauunlad.
Kung gayon, hindi sapat ang mababaw na pagpapahalaga rito. May mahalagang paalala ang Bibliya sa Mateo 23:27–28 tungkol sa mga mapagpaimbabaw na inihalintulad sa mga pinaputing libingan, maganda sa labas ngunit marumi sa loob. Bagama’t ibang konteksto ang tinutukoy ng talata, maaari itong maging makabuluhang metapora sa ating pagtingin sa pagpapahalaga sa wika. Hindi malilinang ang Filipino kung hanggang pagpapakitang panlabas lamang ang pagpapahalaga natin dito.
Hindi sapat ang pagsusuot ng katutubong kasuotan tuwing Agosto. Hindi sapat ang pagdaraos ng paligsahan sa pagsulat, pagbigkas ng tula, o pagsayaw. Hindi sapat ang pagsasabing mahal natin ang Filipino kung nililimitahan naman natin ang pag-aaral, paggamit, at paglinang dito. Higit sa lahat, magiging malaking suliranin kung unti-unting mawawala ang puwang ng Filipino sa mga paaralan at unibersidad.
Ang mga paaralan ay hindi lamang lugar kung saan ginagamit ang wika. Ang mga ito ay mga institusyong lumilikha, nagpapalaganap, at nagpapanatili ng kaalaman. Kung aalisin natin ang Filipino sa mga espasyong ito, saan natin ito gagamitin upang maging ganap na wika ng intelektuwal at diskurso?
Kung nais nating makamit ang tinatawag na intelektuwalisasyon ng wika, kailangang magamit ang Filipino sa mas mataas na antas ng pag-iisip at sa iba’t ibang larangan ng kaalaman at hindi lamang sa karaniwang pakikipag-usap.
Hindi Lamang Tagalog ang Filipino
Mahalaga ring linawin na ang Filipino ay hindi simpleng katumbas lamang ng Tagalog. Ang Tagalog ay nagsilbing mahalagang batayan sa pagbuo ng wikang pambansa, ngunit ang Filipino bilang wikang pambansa ay patuloy na umuunlad at pinayayaman ng iba’t ibang wika sa Pilipinas at iba pang wika sa bansa.
Sa tala ng Komisyon sa Wikang Filipino, kinikilala ang malawak na bilang ng mga katutubong wika sa bansa. Ang mga wikang ito ay hindi dapat ituring na kalaban ng Filipino. Sa halip, maaari silang maging bukal ng kayamanan ng wikang pambansa. Ang mga salita, konsepto, ekspresyon, pananaw, at karanasang nagmumula sa Iloko, Waray, Cebuano, Hiligaynon, Bikol, Kapampangan, Pangasinan, Maranao, Tausug, at marami pang ibang wika ay bahagi ng mas malawak na yaman ng ating bansa.
Maging ang mga wikang dayuhan ay maaaring makatulong sa pagpapalawak ng Filipino. Sa globalisasyon, natural lamang ang panghihiram at pag-aangkop ng mga salita at konsepto. Ang mahalaga ay ginagamit natin ang mga ito upang higit na mapalawak ang kakayahan ng Filipino bilang wika ng kaalaman. Kung gayon, ang pag-unlad ng Filipino ay hindi nangangahulugang paghihiwalay nito sa ibang mga wika. Sa halip, ito ay pakikipag-ugnayan sa mga ito.
Dito natin higit na mauunawaan ang konsepto ng intelektuwalisasyon ng Filipino: ang paghubog sa Filipino bilang wikang may kakayahang magpahayag ng masalimuot na kaisipan at magamit sa iba’t ibang disiplina tulad ng agham, teknolohiya, batas, medisina, edukasyon, ekonomiya, pananaliksik, pilosopiya, at iba pa. Ang Filipino ay hindi kailangang maging sarado upang maging matatag. Ang isang buhay na wika ay lumalago dahil marunong itong tumanggap, umangkop, at lumikha.
Tagalog, Pilipino, at Filipino
Kung babalikan ang kasaysayan, makikita nating ang wikang pambansa ay dumaan sa mahaba at masalimuot na proseso. Noong Disyembre 30, 1937, pormal na ipinahayag ni Pangulong Manuel L. Quezon, sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, na ang Tagalog ang magiging batayan ng wikang pambansa. At sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng pagbabago sa katawagan nito. Noong 1959, sa pamamagitan ng kautusan ni Kalihim Jose E. Romero, tinawag na Pilipino ang wikang pambansa.
Samantala, noong Marso 26, 1954, nilagdaan ni Pangulong Ramon Magsaysay ang proklamasyon na nagtakda sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika tuwing Agosto 13–19. Kalaunan, binago at pinalawak ang panahon ng pagdiriwang. At noong 1997, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1041 na nilagdaan ni Pangulong Fidel V. Ramos, itinakda ang buong buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wikang Pambansa, na higit na nakilala bilang Buwan ng Wika.
Sa ilalim naman ng 1987 Saligang Batas, malinaw na itinakda na Filipino ang wikang pambansa ng Pilipinas. Ang kasaysayang ito ay nagpapakita na ang Filipino ay hindi isang wikang bigla na lamang lumitaw. Ito ay produkto ng mahabang proseso ng pagpili, paggamit, paglinang, pagbabago, at patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang wika at kultura.
Kaya ang Filipino ngayon ay hindi lamang dapat tingnan bilang bunga ng nakaraan. Ito ay isang proyektong patuloy nating binubuo, nililinang at tutulungan upang maabot ang tunay na kakayahan nito.
Kapangyarihan ng Wika
May kapangyarihan ba ang wika? Ito ang isa sa mga tanong ko sa aking klase sa tuwing tinatalakay namin ang usapin at sitwasyon ng wika sa bansa. Sasagot sila ng “Yes! Oo! May kapangyarihan ang wika! Ang wika ay may kapangyarihan sapagkat ito ang daluyan ng kaisipan. Sa wika rin nabubuo ang pagkakakilanlan ng isang tao at ng isang bayan. Sa pamamagitan ng wika, nagagawa natin makapagpahayag, naipararating natin ang ating saloobin, ideya, maging ng ating nararamdaman. Ngunit kung dadalumatin ang tanong na ito, may kapangyarihan ba talaga ang wika? Ang sagot ay wala! Akala mo lang meron pero wala, wala, wala talaga itong kapangyarihan. Kung babalikan ang kahulugan nito, ang wika ay instrumento. “Nagsisilbing instrumento ng isip. Sa pamamagitan ng wika ay umuunlad ang kaisipan. Sa pag-unlad naman ng kaisipan ay umuunlad ang wika.” (Constantino, 1996).
At tulad ng isang gamit, kung hindi natin ito gagamitin, hindi nito magagawa ang kanyang layunin. Sa kasaysayan, bago dumating si Johan Wolfgang von Goethe, mahusay lamang ang Aleman para sa barbarians. Bago dumating si Alexander Sergeevich Pushkin, ang Russian ay mahusay lamang at ginamit sa pag-toast ng vodka. At bago dumating si William Shakespeare, ang Ingles ay mahusay lamang sa isang sakop. (De Quiros, 1995) Tinahak ng mga wikang ito ang intelektuwalisasyon at ginamit sa gawaing intelektuwal na luminang dito. Samakatuwid, ang husay ng lengguwahe na nagsisilbing kapangyarihan ay nasa mga taong gumagamit nito.
Huwag din natin palagiang gawing dahilan na wala tayong panumbas o salin sa Filipino. Ang malaking tanong ay bakit? Sa ika-89 na paggunita natin ng ating wikang pambansa, hindi natin pwedeng idahilan ito palagian. Malaki rin ang pagkakaiba ng: paghango at pagpapalit, at paghihiram at pangongopya. At kadalasan nasasanay tayo sa panghihiram at pangongopya. Sa tuwing ginagawa natin ito, hindi natin namamalayang nababansot at nalilimot natin ang ating wikang pambansa na dapat nating bigyan ng pansin at pahalagahan dahil sumasalamin ito sa ating pagkakakilanlan at bansa. At kung gagamitin natin ito ng tama hindi malayong maaabot din natin ang ginawa nina Pushkin, Goethe, at Shakespeare sa kani-kanilang mga bansa sa usapin ng paggamit ng kanilang wika.
Filipino sa Unibersidad: Wika ng Kaalaman at Pananaliksik
Ang Filipino ay hindi lamang tumutukoy sa isang asignatura sa unibersidad na kailangang kunin ng isang mag-aaral upang pumasa. Kung tunay ring ipinagdiriwang at lubos na pinahahalagahan ito, walang Pilipinong dapat na magsabing Filipino lang yan! At walang mangangahas na Pilipinong nag-iisip na tangalin ito sa kurikulum ng edukasyon sa lahat ng antas ng pag-aaral. Dahil malalim na nakaugat dito ang ating pagkakakilanlan. Isang simpleng salita ngunit higit na malaki ang ipinapakahulugan, lampas pa sa kakayahan ng isip ng tao upang higit itong maunawaan.
Mas malaki rin ang hamong kinakaharap ng mga unibersidad at kolehiyo sa bansa salig sa DO #52, serye, 1987 na nagsasabing “Tertiary level institutions shall lead in the continuing intellectualization of Filipino. Malinaw, lantad, at mapanghamon ang tungkulin ito – ang intelektuwalisasyon ay dapat isinusulong at ginagawa sa mga unibersidad at kolehiyo. Ang unibersidad ay nagsisilbing balon ng tubig na panggagalingan ng mga intelektuwal na tutulong upang umunlad ito. Sa antas ng unibersidad, higit na kailangang palawakin ang ating pananaw tungkol sa Filipino. Kung ang Filipino ay para lamang sa mababang antas ng pag-aaral, kailan natin ito magiging ganap na wika ng kaalaman? Ang unibersidad ay lugar nang malalim na pag-iisip, pananaliksik, pagsusuri, debate, at pagbuo ng bagong kaalaman. Kaya nararapat lamang na ang Filipino ay magkaroon ng espasyo sa akademikong diskurso.
Hindi nangangahulugang kailangang alisin ang Ingles. Mahalaga rin ang Ingles bilang pandaigdigang wika ng akademya at pananaliksik at pangalawa at opisyal na wika . Ngunit hindi rin nangangahulugang wala nang puwang ang Filipino sa akademya.
Kung babalikan, mula nang ito ay naitalaga noong 1937 at sa ngayon ay 88 taong gulang na ito, maituturing pa rin itong bata kumpara sa mga wika sa daigdig kaya marapat lamang na tulungan natin itong linangin upang umunlad at maabot nito ang buong potensiyal nito. Nagpapatunay rito ang patuloy na adaptasyon ng mga salitang Filipino sa pandaigdigang diksyunaryo ng Oxford (2015) tulad ng baranggay, pasalubong, sando, KKB, mani-pedi, videoke, lumpia, kababayan at marami pang iba (2015). At ang bagong salitang dinagdag ang kilig (2016) at gigil (2025) ng Oxford English Dictionary. Nagpapatunay lamang ito nang maaaring kontribusyon ng Filipino sa pandaigdigang wika ng mundo. Taong 2023, ginulat din tayo ng mundo matapos magbukas ng kursong Tagalog (Filipino) ang Harvard University (2023) at sinundan pa ng Yale University. Patuloy ring pinalalakas ang Tagalog (Filipino) courses sa iba’t ibang unibersidad sa mundo. Nakikita nila ang Filipino, bilang potensiyal at mayamang wika na mag-aambag sa pandaigdigang salita o wika. Sa mga kaganapang ito, mapapasabi ka na lamang ng ‘Sana all’ ganito nakikita ang wika! Dahil sa Pilipinas kung saan ito nagmula ay pilit inaalis ang pag-aaral ng Filipino.
Sa halip, dapat tayong maging bilingguwal o multilingguwal sa pagbuo at pagbabahagi ng kaalaman. Maaari tayong magsaliksik sa Ingles, Filipino, o iba pang wika. Maaari nating basahin ang mga pandaigdigang literatura at pagkatapos ay ipaliwanag ang mga ito sa Filipino upang mas maraming Pilipino ang makinabang. Dito nagiging mahalaga ang Filipino: ginagawa nitong mas abot-kamay ang kaalaman lalo na sa mga unibersidad.
Bakit may pagdiriwang? Anong mayroon?
Kailangan pa ba talaga nating ipagdiwang ang Buwan ng Wika at kailangan talagang isang buong buwan upang ipaalala sa atin na mayroon tayong pambansang wika? Kung tunay natin itong pinahahalagahan, hindi ba dapat ay ginagamit at iginagalang natin ito araw-araw? At kung dadalumatin at lalapatan ng may kritikal na pag-iisip may punto ang ganitong tanong.
Sa katunayan, tayo lamang sa buong mundo ang nagdiriwang ng Buwan ng Wika. Tila ipinapamukha sa atin nito taon-taon na tayo ay may pambansang wika at ito ay ang Filipino. Ang tanong bakit nga ba kailangang ipaalala ito sa atin? Ang buwan ng Agosto ay tila nagiging isang pagdiriwang lamang at pagpapamalas ng husay sa pagsulat ng sanaysay, tagisan ng talino, pagbigkas ng tula, sabayang pagbigkas, sayaw, at iba’t ibang palaro at pakulo sa klase. Oo! Tamang ipagdiwang natin ito ngunit hindi lamang dapat dito nakakahon ang tunay na kahulugan nito.
Walang masama sa mga ito. Ngunit hindi dapat doon nagtatapos ang Buwan ng Wika. Kung ang pagdiriwang ay natatapos kasabay ng huling paligsahan sa Agosto, maaaring hindi natin tunay na nauunawaan ang kahulugan nito. Ang Buwan ng Wika ay dapat maging pagkakataon upang tanungin natin ang ating sarili:
Paano ko ginagamit ang Filipino sa pagkatuto?
Paano ko ginagamit ang wika upang ipahayag ang aking pananaw?
Paano ko ginagamit ang Filipino upang maunawaan ang aking kapwa?
Paano ko ginagamit ang wika upang pangalagaan ang ating kultura?
At higit sa lahat: Paano ko ginagamit ang Filipino upang makabuo at makapagbahagi ng kaalaman?
At kung totoong mahalaga sa atin ito, hindi ba dapat araw-araw o buong taon nating kinikilala ang mahalagang papel nitong ginagampanan sa pagpapatibay ng ating pagkakakilanlan, kultura, at naging daan sa pagkakaisa at lingua franca ng bansa.
Isang Hámon sa Tunay na Kahalagahan ng Buwan ng Wika
Mahalagang balikan ang kasaysayan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Ang paggunita sa wika tuwing Agosto ay may kaugnayan sa pagkilala sa ating pambansang wika at sa paggunita sa mga mahahalagang yugto sa kasaysayan ng wikang pambansa.
Ang kasaysayang ito ay nagpapaalala na ang wika ay hindi basta-basta nabuo. Ito ay bunga ng mahabang proseso ng pakikipag-ugnayan, pagpapasya, pagbabago, at paghubog ng isang bansa. Kaya ang Agosto ay hindi lamang panahon ng kasuotan, palamuti, paligsahan, at programa. Ito ay panahon upang balikan kung sino tayo, saan tayo nagmula, at kung paano natin gagamitin ang ating wika upang harapin ang hinaharap.
Hindi masama ang pagdiriwang. Ngunit higit na mahalaga ang pagpapatuloy. Kung tunay na mahalaga ang Filipino, hindi ito dapat manatili sa silid-aralan. Dapat itong marinig sa mga talakayang akademiko, makita sa mga pananaliksik, magamit sa mga pampublikong impormasyon, mapakinabangan sa teknolohiya, at maging bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay.
Ang tunay na tagumpay ng Buwan ng Wika ay hindi nasusukat sa dami ng paligsahang napanalunan kundi sa lawak ng paggamit, pagpapahalaga, at pag-unawa natin sa ating wika.
Kaya, intelektuwal ba ang wikang Filipino? Ang sagot ay hindi pa! Sa pagpapalanong pangwika ni Haugen (1966) kailangan nating gamitin at linangin ang ating wika at gawin ang propagasyon at elaborasyon ng wika. Kung nais nating maging intelektuwal ang wikang Filipino, kailangan nating maging seryoso at dagdagan pa ang pagmamahal dito. Higit pa, kailangan lamang tayong maniwala na kaya ito ng ating wika upang tuloy-tuloy nating mapalitan at makalikha ng mga salita tungo sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino.
Ngunit ang pagiging intelektuwal ng Filipino ay hindi dapat manatiling isang pahayag lamang. Kailangan natin itong patunayan sa pamamagitan ng paggamit nito sa intelektuwal na gawain. Gamitin natin ito sa pananaliksik, pagtuturo, pagsusuri ng mga isyung panlipunan, batas, agham, teknolohiya at iba pang larangan ng kaalaman, at pakikipag-usap sa ating kapwa upang maging mabisa ang ating komunikasyon.
At sa panahon ng artificial intelligence, gamitin natin ito upang mas mapalawak ang access sa impormasyon habang nananatiling mapanuri, responsable, at makatao. Hindi kailangang maging sarado ang Filipino sa ibang wika upang mapatunayan ang halaga nito. Sa halip, dapat itong maging bukas sa mga bagong salita, bagong konsepto, bagong teknolohiya, at bagong paraan ng paglikha ng kaalaman.
Dahil ang wika ay buhay. Nagbabago ito. Lumalawak ito. Nakikibagay ito. At kung nais nating mabuhay ang Filipino sa susunod pang mga henerasyon, hindi sapat na ipagdiwang lamang natin ito tuwing Agosto. Kailangan natin itong gamitin, pagyamanin, ituro, at saliksikin. At higit sa lahat, gamitin ito bilang wika ng pag-iisip, pananaliksik, kaalaman, at pagbabago.
Sa huli, marahil ay hindi na dapat itanong kung intelektuwal ba ang wikang Filipino. Ang mas mahalagang tanong ay: “Kailan natin sisimulang gamitin ang Filipino bilang tunay na wika ng ating intelektuwal na buhay?” At ang sagot ay maaaring magsimula sa atin ngayon, hindi lamang ngayong Agosto, kundi araw-araw.
Sanggunian:
Ang Salita ng Diyos & Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version. (n.d.). Bible Gateway. Retrieved August 31, 2026, from https://www.biblegateway.com/passage/?search=Mateo%2023%3A1-36&version=SND;FSV
Constantino, R. (1996). Intelektuwalismo at Wika. Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan. Lunsod Quezon: University of the Philippines Press, 1996.
Conrado, D. (1995) “Ang Kapangyarihan ng Wika, ang Wika ng Kapangyarihan” Ang Wikang Filipino sa Loob at Labas ng Akademya, p.28-33.
De Quiros, C. (2003). Ang kapangyarihan ng wika, ang wika ng kapangyarihan. Ang wikang Filipino sa loob at labas ng akademya’t bansa (pp. 28–33).
Harvard Gazette. (2023, August 30). Preceptors hired for Tagalog, Indonesian language courses. https://news.harvard.edu/gazette/story/newsplus/preceptors-hired-for-tagalog-indonesian-language-courses/
Haugen, E. (1972). Dialect, language, nation. In A. S. Dil (Ed.), The ecology of language: Essays by Einar Haugen (pp. 237–254). Stanford University Press. (Original work published 1966)
Komisyon sa Wikang Filipino. (n.d.). Alam mo ba? KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino. Retrieved August 31, 2026, from
http://kwfdiksiyonaryo.ph/?query=suy%C3%B2
Komisyon sa Wikang Filipino. (2014). KWF manwal sa masinop na pagsulat (V. S. Almario, Ed.). https://kwfwikaatkultura.ph/wp-content/uploads/2024/05/Manwal-sa-Masinop-na-Pagsulat.pdf
Komisyon sa Wikang Filipino. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/komisyon-sa-wikang-filipino/
Lavelle, D. (2025, March 27). Gigil: word for ‘cute aggression’ among new entries to Oxford English Dictionary. The Guardian. https://www.theguardian.com/books/2025/mar/27/gigil-word-describing-cute-aggression-among-new-entries-to-oxford-english-dictionary
Oxford University Press. (n.d.). Kilig, adj. & n. In Oxford English dictionary. Retrieved August 31, 2026, from https://doi.org/10.1093/OED/9050274526
Philippine Cultural Education Online. (2015). Komisyon sa Wikang Filipino. https://philippineculturaleducation.com.ph/komisyon-sa-wikang-filipino/
Rappler. (2016, April 15). ‘Kilig’ is now in the Oxford English Dictionary. https://www.rappler.com/the-wrap/129556-kilig-oxford-english-dictionary/
The 1987 Constitution of the Republic of the Philippines. (1987, February 2). Official Gazette of the Republic of the Philippines. https://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/1987-constitution/



