Ang magkasintahang paruparo
Isinalin ni Jaireen Macaldo
3-6YP Master of Arts in Political Economy with specialization in International Relations and Development Student
Noong unang panahon, sa isang maliit na bayan sa Zhejiang, may isang malaking hacienda na tinatawag na Zhu Jia Zhuang. Ang may-ari ng Zhu Jia Zhuang na si Ginoong Zhu, maryoon namang anak na babae nangngangalang Zhu Yingtai. Siya ay isang batang babaeng maganda at matalino din.
Mahal na mahal ni Ginoong Zhu ang kaniyang bunsong anak. Kaya bata pa lang ito, pinayagan na siyang mag-aral kasabay ng kaniyang kuya. Habang lumalaki si Zhu Yingtai araw-araw, napansin niya na hindi sapat ang natutunan niya sa kanilang guro sa bayan. Kaya naisip niyang pumunta sa isang malaking paaralan sa Hangzhou para doon mag-aral.
Lumapit si Zhu Yingtai sa kaniyang ama at naglalambing na sinabi, “Ama, gusto ko pong pumunta sa Hangzhou para mag-aral. Nangangako po ako na mag-aaral ako nang mabuti at hindi ko kayo lolokohin!”
Umiling agad si Ginoong Zhu at sinabing, “Hindi puwede, hindi puwede! Babae ka, at kung aalis ka ng bahay para makihalubilo sa mga lalaki sa paaralan, magiging mahirap at delikado iyon!”
Kahit anong lambing at pakiusap ni Zhu Yingtai, ayaw pa rin pumayag ang kaniyang ama.
Si Zhu Yingtai na pilya at matalino ay nakaisip ng isang paraan. Nagbihis siya bilang isang matandang manghuhula at nagpanggap na lalaki. Isinama siya ng kaniyang kababatang katulong at dinala sa harap ni Ginoong Zhu.
Nagkunwaring seryoso si Zhu Yingtai at sinabi, “Ginoo, binasa ko po ang inyong kapalaran. Kung papayagan ninyo ang inyong anak na babae na mag-aral sa malayo, lalo pang sasagana at suswertehin ang inyong pamilya!” Dahil dito, naenganyong pumayag ang ama na si Ginoong Zhu.
Nagbihis-lalaki si Zhu Yingtai at ang kaniyang batang katulong, at nagsimula na silang maglakbay. Sa kalagitnaan ng daan, nakasalubong nila ang isang binatang iskolar na ang pangalan ay Liang Shanbo. Papunta rin siya sa Hangzhou para mag-aral, kaya nagpasya silang maglakbay nang magkasama.
Habang nag-uusap sila, napansin ni Liang Shanbo at Zhu Yingtai na pareho sila ng ugali at hilig.
Parang matagal na silang magkakilala! Dahil dito, naging matalik silang magkaibigan at nangako ng isang kapatiran.

Kalaunan, nakapunta si Liang Shanbo at Zhu Yingtai sa Wansong Academy sa Hangzhou para mag-aral. Simula noon, araw-araw silang magkasama sa pag-aaral at naging mas magkaibigan. Si Zhu Yingtai, na may malalim na pag-iisip, ay napansin na unti-unti niyang nagugustuhan si Liang Shanbo. Ngunit si Liang Shanbo ay masyadong nakatuon sa pag-aaral. Ganito man ang nararamdaman ni Zhu Yingtai, hindi nawala ang tingin ni Zhu Yingtai sakaniya bilang isang matalik na kaibigan na parang kapatid na lalaki.
Isang araw, nagpadala ng sulat si Ginoo Zhu na sobrang nangungulila na siya sa anak niyang si Zhu Yingtai.
Kaya nag-ayos si Zhu Yingtai ng kaniyang mga gamit at naghanda na umuwi.
Sinamahan siya ni Liang Shanbo, ngunit hanggang sa pier para sumakay ng bangka. Mula sa paaralan hanggang sa pantalan, labing-walong milya ang layo, malungkot na malungkot si Zhu Yingtai.
Gustong-gusto niyang sabihin kay Liang Shanbo ang nararamdaman niya!
Pumunta sila sa isang maliit na tulay, at naramdaman ni Zhu Yingtai ang panginginig ng tulay. Mabilis na tinulungan siya ni Liang Shanbo para hindi siya matumba. Ngumiti si Zhu Yingtai at sinabi, “Shanbo, tingnan mo, parang tayo nasa alamat. Parang Niulang at Zhinu na nahiwalay habang tumatawid sa tulay ng mga ibon!” Nagaalala siyang tinignan ni Liang Shanbo at sinabi, “Hindi naman tama ang paghahambing na iyon!”
Pumunta sila sa isang balon at nilapitan ni Zhu Yingtai si Liang Shanbo at tinulungan siyang sumilip sa tubig ng balon.
Sinabi ni Zhu Yingtai, “Liang Xiong, tingnan mo, parang may isang lalaki at isang babae na masaya!” Nagkunwaring galit si Liang Shanbo at nagsabi, “Bakit mo naman ako ginawang babae!” Habang nag-uusap sila, dumaan ang isang batang pastol na nakasakay sa baka.
Bumuntong-hininga si Zhu Yingtai at sinabi, “Ay! Para akong tumutugtog ng instrumento sa baka, hindi niya mauunawaan. Shanbo, talaga namang parang baka ka!” at inunahan nang maglakad si Liang Shanbo.
Habang naglalakbay sila, palihim na ipinapakita ni Zhu Yingtai kay Liang Shanbo ang kaniyang nararamdaman, pero hanggang sa siya ay sumakay sa barko, hindi pa rin ito naunawaan ni Liang Shanbo, dahil siya ay medyo mabagal.
Sumakay si Zhu Yingtai sa barko, at dahil wala nang magagawa, sinabi niya kay Liang Shanbo, “Shanbo, may kapatid akong babae na kamukha ko, pumunta ka sa bahay namin at magtanong kung maaari kang magpakasal sa akin. Pagkatapos, magiging isang pamilya tayo!” Binigay niya kay Liang Shanbo ang kaniyang paboritong kuwintas na hugis paruparo bilang paalala.
Pagbalik sa paaralan, sinabi ni Liang Shanbo sa kailang Guro ang sinabi ni Zhu Yingtai tungkol sa pagpunta niya para magpakasal. Tinanong niya, “Guro, anong dapat kong ihanda kung magpapakasal ako?” Natawa ang Guro at sabi niya,
“Ay naku, Shanbo! Ang tagal ninyong magkasama, hindi mo pa rin napansin na babae si Yingtai? Yung sinabi niyang kapatid niya—si Yingtai rin ‘yon!”
Napahinto si Liang Shanbo at nag-isip. Naalala niya ang lahat ng mga araw na magkasama sila ni Zhu Yingtai, pati na rin ang mga kakaibang sinasabi at ginagawa nito. Bigla niyang naisip, “Ay! Ang bagal ko pala!” Ngunit hindi mayaman si Liang Shanbo, kaya inabot pa siya ng kalahating taon bago niya naihanda ang mga regalo para sa kasal nila.
Nang pumunta siya sa bahay ni Zhu Yingtai para hingin ang kamay nito, laking gulat niya— naipangako na pala si Zhu Yingtai sa anak ng gobernador, si Ma Wencai! Hindi man lang niya nakita si Zhu Yingtai, dahil siya ay pinaalis na para tumira sa bahay ng iba.
Malungkot si Zhu Yingtai at buong araw siyang umiiyak. Nakiusap siya sa kaniyang ama, “Ayoko po kay Ma Wencai. Gusto ko pong pakasalan si Liang Shanbo.” Pero matigas si Ginoong Zhu at hindi niya pinagbigyan ang anak na baguhin ang kasunduan.
Pag-uwi ni Liang Shanbo sa kanilang bahay, siya ay sobrang lungkot at nagsisisi. Dahil sa matinding kalungkutan, nagkasakit siya. Bago siya manghina nang tuluyan, sinabi niya sa kaniyang nanay, “Nanay, ilibing n’yo po ako sa tabi ng ilog. Dadaan doon si Yingtai sa araw ng kaniyang kasal. Kahit saglit lang, parang nakita ko na rin siya.” Pagkatapos niyang sabihin ito, pumikit na si Liang Shanbo at tuluyang nawala. Tinupad ng kaniyang nanay ang huling hiling ng anak niya.
Nang malaman ni Zhu Yingtai na wala na si Liang Shanbo, sobrang lungkot niya at halos hindi siya makapaniwala. Dumating na rin ang araw ng kasal, kaya kahit ayaw niya, napilitan siyang sumakay sa sasakyang may bulaklak. Habang dumaraan sila sa tabi ng ilog, napansin ni Zhu Yingtai ang puntod ni Liang Shanbo.
Bigla siyang sumigaw, “Hintoo! Gusto ko pong dumaan at mag-alay sa puntod ni Shanbo!”
Sinabi ni Ma Wencai, “Zhu Yingtai, araw ito ng kasal— hindi ito ang tamang oras para d’yan…” “Magdadasal na lang ako, tapos magmamadali na tayo!” Sinabi ni Zhu Yingtai, “Kung hindi ninyo ako papayagan magdasal, hindi ako aalis!” Kaya napilitan si Ma Wencai na pumayag.
Lumuhod si Zhu Yingtai sa harap ng libingan ni Liang Shanbo, at siya’y umiyak nang malakas, habang umiiyak, sinabi niyang, “Shanbo... hindi tayo naging mag-asawa habang buhay tayo... pero kahit wala na ako, gusto ko pa ring makasama ka at mailibing kasama mo.”
Habang nakaluhod dito si Zhu Yingtai, na nararamdaman ang sobrang sakit sa puso, bigla na lang lumakas ang ulan at kulog sa langit, at narinig na lang nila ang isang malakas na tunog ng kulog.
Pagkatapos, bigla na lang bumukas ang libingan ni Liang Shanbo at nagkaroon ng butas.
Tumalon si Zhu Yingtai sa loob ng libingan na walang takot. Bago pa makaimik ang mga tao, bigla itong nagsara nang may tunog na “kaak.”Huminto ang hangin at tumigil ang ulan.
Mula sa libingan, lumabas ang dalawang magagandang paruparo. Magkasunod sila at hindi na naghiwalay kailanpaman. Sabi ng mga tao, ang mga paruparong iyon ay sina Liang Shanbo at Zhu Yingtai.
Sa hardin, maraming magagandang bulaklak ang namumukadkad. Dumadating ang mga bubuyog at mga paruparo dahil sa bango ng mga bulaklak. Kaya munting kaibigan, halika at tulungan mo kaming gawing mas maganda pa ang hardin para sakanila!


