“Umiyak ako, Ma’am. ‘Kala mo Golden Globe Award eh.”
Natawa si Lolong sa kanyang sinabi. Hindi ko rin napigilang tumawa. Bagama’t mabilis ang pagsagot niya sa aking mga tanong hanggang sa puntong iyon, malimit ay seryoso ang kanyang pagpapahayag. Mukha siyang mahiyain. Kung kaya’t hindi ko inaasahan ang ginawa niyang paghahambing.
Inaalala namin ni Romano B. Lolong, mas kilala sa tawag na “Lolong” o “Kuya Lolong,” ang nangyari mahigit isang taon na ang nakararaan. Hinirang si Lolong bilang isa sa sampung nagwagi sa “Search For Dragons Inside” noong Setyembre ng 2016.
![](https://universitas.uap.asia//wp-content/uploads/2018/07/featured-image-RomanoLolong-300x168.jpg)
“Nakaupo ako sa gilid, sa kanan (ng Dizon Auditorium, kung saan ginanap ang pagbibigay ng karangalan). Tapos pumunta ako sa stage. Si Presidente saka si Dr. Villegas ang nagbigay ng award. May kaba na di ko maintindihan yung emosyon ko, kung bakit ako nandun, kung ano ‘yung pagkakataon na ‘yun.”
Tumatak ang sandaling iyon sa 32-anyos na tubong Oriental Mindoro. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala na mangyayari ang ganoong pagkilala sa kanyang araw-araw na pagtatrabaho.
Setup
Pangatlo sa limang magkakapatid, lumaki si Lolong sa payak na pamumuhay. Kinailangan nilang lumipat sa bayan ng Bansod nang sirain ng malakas na bagyo ang bahay nila sa Pinamalayan. Nakapagtapos siya ng kursong bokasyonal kaugnay sa fisheries ngunit minabuti niyang makipagsapalaran sa Maynila. Namasukan siya bilang houseboy sa Tandang Sora. Makalipas ang anim na buwan ay sinubukan nyang magsanay sa ServiceMaster sa ilalim ng kumpanyang Facilities Managers Inc.
Naging janitor siya sa iba’t ibang lugar at ilan dito ay hindi niya malilimutan. Binanggit niya ang mag-asawang Carlos at ang mga anak nito na namamahala ng Riverbanks Mall sa Marikina. “Nakikita ko sina Mr. Carlos, Ma’am, sa Stella,” magiliw niyang sinabi. Naalala rin niya kung paanong minsan ay nakatulog siya sa trabaho noong nalipat siya sa isang bangko.
“Tatlong branches kasi ang hawak ko nun eh. Sobrang pagod at antok na din po. Eh umidlip ako sa stockroom nila. Hinanap ako ng manager. Tapos dun ako nakita. Ni-report nila ako sa ServiceMaster. Binigyan po ako ng suspension (sa loob ng tatlong araw) at hiningan ng written explanation kung bakit po ako natulog dun.”
Muli siyang nakapagtrabaho makalipas ng suspensyon. Hindi nagtagal ay inilipat siya at apat pang iba sa UA&P. Makalipas ang 13 taon simula nang tumuntong siya sa Unibersidad—at mula sa pagiging janitor, messenger, setup personnel, library aide, at ngayon ay setup personnel muli, na kanyang pinakanagustuhan sa lahat—siya na lamang sa kanilang lima ang nananatili sa UA&P. Malinaw sa kanya ang dahilan.
Formation
“Hindi lang s’ya (UA&P) nagbigay sa akin ng trabaho eh. Nag-offer din dito kung paano, kapag namatay ka, maligtas at mapunta sa langit.”
“Iniisip ko nga kagabi, Ma’am, yung message ko sa English eh,” sabi ni Lolong, matapos ay bahagyang tumawa. Humanga ako sa kanyang katapatan. “Nagbasa-basa ako ng magazines dyan (mga naka-display na Universitas). Nag-isip-isip ako. Ang nagustuhan ko talaga sa University, this university not only offers work for you but guides you on how to bring yourself to heaven. ‘Yun talaga, Ma’am, eh. Dito may doctrine class. May meditation. Talagang ine-encourage kami, Ma’am. Kung apat kami na may duty, ‘yung dalawa, a-attend, ‘yung dalawa yung mag-iikot muna. Si Sir Paul po talaga ang nag-e-encourage sa amin. Saka si Sir Arwin Vibar. Nagturo din sya dati sa amin. ‘Kung may doctrine class, mag-attend kayo. Kung may confession, kung may available na pari, mag-confess kayo.’”
Nakatulong iyon upang magkarooon siya ng mas malalim na pang-unawa sa sarili at ugnayan sa Diyos. Sa probinsiya ay minsan lang silang magsimba sapagkat nasa bayan ang simbahan. Dito sa UA&P siya unang nangumpisal. Bukod dito, noong una, nanibago din siya sa mga taong kanyang nakasalamuha. “Mayayaman ang mga tao dito,” aniya. Kung kaya’t hindi siya nakikipag-usap. Kung maglakad ay palagi siyang nakatungo.
“Dati pasaway din ako. Tapos ‘yun nga. Nag-open ng klase. Naturuan ka kung ano nga ba ang buhay. Matutulog ka lang ba, magtatrabaho, uuwi? Yun ang pinapaliwanag nila eh. Ano nga ba ang buhay? Dito ko natutunan na magtrabaho ka hindi lang para sa sarili mo kundi para din sa Diyos.”
Ang kanyang natututunan ay sinusubok sa kanyang araw-araw na pag-aayos ng laptop, projector, sound system, at iba pang pangangailangan sa classroom ng mga estudyante at mga guro.
“Hindi po maiiwasan, syempre, iba-iba naman po ang mga tao, mayroon na iba ang attitude. Kelangan talaga na alam mo ang ugali mo at kung paano ka makikibagay.” May pagkakataon din na nagagalit siya, ngunit mas iniisip niya na magpakahinahon na lang. “Dun ka na lang siguro sa C.R. o sa backstage. Para pagbalik mo dun sa pinaka-activity, maayos ka na uli. Kasi ‘pag galit sya at nagalit ka, eh di pareho na kayo.”
“Masaya naman, Ma’am, kapag natapos mo na ang ginagawa mo at alam mo namang nakagawa ka ng tama. Halimbawa, nakapagdala ka sa tamang oras ng laptop at projector, syempre ‘yung teacher din, hindi na s’ya maaabala. At kapag na-deliver n’ya ‘yung PowerPoint (presentation) n’ya, syempre, ‘yung mga estudyante din, matututo sila.”
Work
Sa kasalukuyan ay nakatira si Lolong sa Marikina kasama ang kanyang asawang si Liezel at ang kanyang 5-taong-gulang na anak na babae, si Lorraine. Hinuhulugan niya ang bahay sa kanyang kapatid na babae na dating nakatira doon. Alam ni Lolong na maaaring lumaki pa ang kanilang pamilya kung kaya’t nag-iisip na rin siya para sa kinabukasan.
“‘Yun din naman po ang itinuturo sa amin dito,” sabi ni Lolong. “’Kung may opportunity na maganda, i-grab n’yo. Malay mo, dun kayo magkaroon ng mas magandang kinabukasan.’ Para din sa future namin eh. Kapag nagkaroon pa ulit kami ng anak. Kapag nag-aral na ang anak ko.”
Habang wala pang tiyak na plano upang lumabas ng bansa para magtrabaho, nais ni Lolong na iukol ang panahon sa UA&P at gawin ang trabaho nang maayos.
“Enjoyin lang yung araw-araw na trabaho. ‘Yun din ang laging sinasabi dito eh: Pagpapabanal sa simpleng trabaho. ‘Yun din talaga ang ino-offer ko sa Diyos. Nagtatrabaho ka para maging banal. Maganda talaga ang formation dito, Ma’am.”
Leave a Reply