Pamilya. Walang ibang salitang makakaantig sa damdamin ni Kuya Mike nang kasimbilis ng salitang “pamilya.” Nakapako ang lahat ng kanyang ginagawa at ang lahat ng kanyang mga pangarap sa iisang direksyon: sa kanyang asawa at limang anak na kasalukuyang nakatira sa Bicol.
Isa si Michael B. Zipagan, kasalukuyang mensahero sa Unibersidad, sa mga hinirang na natatanging Dragons noong 2016. Sa kanyang labinlimang taong paglilingkod sa UA&P sa ilalim ng ahensyang ServiceMaster, labindalawa rito ay ginugol niya sa pagiging janitor.
“Nagpapasalamat ako sa mga estudyante kasi mababait sila. Saka ‘yung turing nila sa mga janitor, hindi mababa,” ang sabi ng apatnapu’t isang taon na tubong Cabagan, Isabela. “Kaya pakiramdam mo, hindi ka lang basta naglilinis dito. Parang bahagi ka na ng buhay nila. Sa ganitong paraan din, masaya kami. Kasi parang naa-appreciate nila ‘yung ginagawa namin.”
Sa kasalukuyan, nakatira siya sa tapat ng Unibersidad sa isang dormitoryo para sa mga mag-aaral na lalaki. Kapalit ng libreng pagtira at minsan libreng pagkain ang pagtulong niya sa pagpapanatili ng kaayusan ng lugar. Itinuturing niyang sagot iyon ng Diyos sa kaniyang mga panalangin.
“Sabi ko, ‘Lord, sana naman makakuha ako ng mauupahan na malapit-lapit sa trabaho, na mura lang.’ Eh labis pa ang ibinigay ni Lord,” wika ni Kuya Mike, kita sa ngiti ang pasasalamat sa magandang biyayang natangggap.
Idinadagdag niya sa padala sa pamilya ang perang natitipid sa pagbabayad ng upa sa tirahan. Bagama’t palaging nagagamit sa ibang bagay ang dapat sana’y pampuhunan sa probinsya, patuloy siyang nagsusumikap na makaipon upang makauwi nang tuluyan sa pamilya. Dalawa o tatlong beses lang kasi sa isang taon kung makasama niya ang mga anak na edad apat hanggang labingwalo.
“Minsan sinasabihan ako ng mga anak ko na ‘nag-aabroad sa sariling bansa,’” aniya. “Kaya nga sinasabi ko sa kanila, ‘Kaya nga mag-aral kayo nang mabuti para hindi kayo magaya sa akin. Walang stable job na makukuha ‘pag walang pinag-aralan.’”
Ipinagdarasal niya ang patuloy na paglago ng UA&P kasama na ang kahilingan na maging “ganap na kapamilya” ng Unibersidad. Alam niyang malaking bentahe ang maidudulot ng pagiging regular na empleyado. Nangangahulugan iyon ng posibilidad na makasama niyang tumira rito sa Maynila ang pamilya.
“Hinihingi pa kay St. Josemaría,” nakangiting sinabi ni Kuya Mike, “pero hindi pa naibibigay.”
At hindi siya titigil hanggang sa makamit ang pangarap para sa sarili: “Ang pangarap ko ay makasama ang pamilya ko.” #
Leave a Reply