Sinulat ni Dr. Leodivico C. Lacsamana
Tagapangulo, Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng Agham at Sining
Ang sanaysay na ito ay nagkamit ng Pangalawang Gantimpala sa Timpalak Sanaysay 2019 ng Komisyon sa Wikang Filipino.
A polyglot Europe is not one whose inhabitants speak many languages but, at best, one whose inhabitants can converse with other inhabitants, each speaking his own language and comprehending that of the other. They may not be current with the language the other party is speaking. They may even experience difficulty comprehending what is being said, but they will understand, the ‘spirit’ of what is being said, the cultural universe that everyone expresses in speaking the language of his ancestors and traditions.
Umberto Eco The Search for a Perfect Language Blackwell Publishers, 1997, p. 350
One may wonder why language death (or linguicide), such as has already in the case of so many aboriginal tongues in Australia and threatens so many other languages in the world, passes so frequently unlamented, or even unnoticed. . . And yet linguicide desecrates the very humanity of whole groups of people whose culture may disintegrate when deprived of the most fundamental core of their heritage, their language. . . Ethnic languages rather than other values (such as race or religion) offer better prospects for peaceful and successful mobilization of democratic states. Language has a more inclusive character, inasmuch as it is not used as a barrier to prevent the integration of outsiders.
Jerzy J. Smolicz “Language: A Bridge or a Source of Ethnic Conflicts” Unitas, pp. 485-486
Paghahawan: Kanlungan ng mga Dalumat at Mapagpalayang Isipan
Sa kanyang artikulo, “A Lexicostatistical Classification of the Austronesian Languages,” na nalathala noong 1965, sinabi ni Isidore Dyen, isang Amerikanong eksperto sa wika mula sa Yale University, ang ganito:
Linguistic heterogeneity has been an historical constant throughout the world, and the Philippines is no exception. The Philippines, like many of countries, is ethno-culturally and linguistically diverse. There are more than a hundred indigenous languages in the Philippines, all of which belong to the Austronesian family, and more immediately to the Hesperonesian and Philippine sub-families.[1]
Matagal na panahon ang lumipas sa pagitan ng 1965 at 2019. At sa mga panahong ito, maraming “pakikilahok” at “pagbabalikwas” ang lumutang at nagsanga-sanga tungkol sa di mabilang na usaping pangwika kaugnay ng sinabing ito ni Isidore Dyen. Hanggang sa mga sandaling ito, marami pa rin sa mga Pilipino ang nananangan sa obserbasyon na wala pa rin daw sapat at kongkretong palatandaan na magsasabi sa atin na napagtagumpayan na natin ang ating pagpupunyaging bumuo ng isang pambansang kaakuhan. Ito ang mga Pilipinong nakatali sa paniniwalang ang pagkakaroon ng maraming wika at kultura sa Pilipinas ay isang malaking sagabal sa pagtataguyod ng anumang adhikaing makabayan, tulad ng pagtataglay ng isang pambansang wika at pagkakakilanlang kultura. Para sa kanila, ang pag-iral ng dibersidad sa wika at kultura sa ating bansa ay isang katalagahang masalimuot at napakahirap harapin dahil kakambal ito ng napakaraming isyu at suliranin na dapat tugunin at resolbahin.
Bagamat, sa kabilang dako, higit na marami ang mga Pilipinong naniniwala na ang dibersidad na ito ay hindi tunay na hadlang sa pagkakamit ng mga adhikaing pambansa o makabansa. Bagkus, nakikita nila ito bilang isang oportunidad sa proseso ng pagbubuo, pagpapaunlad, at pagpapakinis ng anumang simbulong kakatawan sa ating bansa bilang isang malaya at makapangyarihang republika. Angkin ang ganitong adhikain, nauunawaan ng mga Pilipinong ito ang taglay na katotohanan ng pahayag sa ibaba:
Kailangan natin ang isang nasyonal na wika bilang linggwa frangka ng mga kultura at sibilisasyong Pilipino. Nakapaloob sa wikang ito ang ating pamanang ispiritwal at kultural bilang isang nasyonal na komunidad para padaliin ang komunikasyon sa lahat ng mamamayan, palakasin ang ating pagkakaisa bilang isang bansa, at itaguyod ang ikwalidad sa ating lipunan.[2]
Kung susuyurin ang mga inilatag na datos ng mga nagdaang panahon kaugnay ng ating pagka-lahi at pagka-bansa, masasabing isa sa dahilan kung bakit tila umiiral pa rin ang ganitong mga pagturing at damdaming makapangkat ay dahil sa walang-lubay na pagtanaw natin sa “labas” o ang umasa na lamang sa kagalingan o kahusayang nanggagaling sa kanluran, isang gampaning tila narkotikong lumukob sa maraming edukadong Pilipino kung kaya nakalimutan nating tumingin sa “loob,” doon sa kaibuturan ng ating pagka-Pilipino. Para sa pambansang alagad ng sining na si Rolando Tinio, ang dahilang ito ay nagsanga pa sa dalawa pang higit na partikular na dahilan: (1) ang kakulangang-tiwala sa Filipino bilang wikang intelektwal at (2) ang pangambang maiwan sa kaunlaran ng pag-iisip kung tumiwalag nang tuluyan sa wikang Ingles.[3] Sa maraming panahong nagdaan, ang mga iskolar at palaaral na Pilipino, lalo na iyong nasa akademya, ay lubos na naniwalang lahat ng kaalaman at karunungan na ginagamit natin sa halos lahat ng uri ng diskurso ay galing (o dapat lamang manggaling) sa kaunlaran, partikular na sa Estados Unidos, Britanya, Pransya, at Alemanya. Nahirati tayo, wika nga, na kumapit sa pundilyo ng mga pantas at iskolar na banyaga. At sa ganitong kalakaran, nalubog tayo sa bisyo ng paghanga at paninikluhod sa teorya at metodong galing sa kanluran. Maging sa larangan ng panghihiram ng salita, lagi tayong “nakatanaw sa labas.” Nakanal tayo sa paniniwalang ang wikang Ingles lang ang pwede nating pagkuhanan ng mga bagong salitang idaragdag natin sa leksikong Filipino. Umigting at lumala ang ganitong gawi natin nang sumulpot ang makinarya ng Globalisasyon tungo sa pagbuo ng isang “bordless world” o ang tinatawag ni Bienvenido Lumbera na “mundong wala nang hangganan.” Dahil dito, hindi lamang tayo tumatanaw sa “labas” kundi nasa “labas” na tayo mismo. Ganito ang sinabi ni Lumbera tungkol sa puntong ito:
Kung ang lokal ay ipasasaklaw sa global, lilitaw na ang wika at panitikang katutubo ay sagwil sa pagsulong ng Pilipinas sa global na kalakalan. Ang nasyonalismo, na siyang batayan ng paggigiit sa pagpapayabong sa wika at panitikan, ay hindi na miminsang tinawag na “anakronismo” sa panahon ng globalisasyon na ang tunguhin daw ay pagtatayo ng “mundong wala nang hangganan.”[4]
Sa ngayon, kahit na patuloy pa ring ipinangangalandakan ang pagkakamit ng pamayanang global, patuloy ding pinaiigting ang pagbuwag dito. Kahit pa nga nakaamba at may banta ang mga disipulo ng “borderless world,” nanatiling matibay na suhay ang maraming makabayang akademista sa pagsusulong ng pilipinismo sa sambayanan. At kaugnay nito, nagpasimuno ang ilang Pilipinolohista, tulad nina Virgilio Enriquez, Prospero Covar, at Zeus Salazar, na bumalikwas at umiba ng daan. Silang tatlo ang matagal nang nagdeklara na may katutubong kaalaman at karunungang Pilipino na tunay na nakaugnay sa kalinangang katutubo at sa totoong karanasan ng bayan. Ayon nga kay Zeus Salazar:
Ang buod ng pantayong pananaw ay nasa panloob na pagkakaugnay-ugnay at pag-uugnay ng mga katangian, kahalagahan, kaalaman, karunungan, kaugalian, pag-aaral at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan – kabuuang nababalot sa, at ipinahahayag sa pamamagitan ng isang wika; ibig sabihin, sa loob ng isang nagsasariling talastasan, diskursong pangkalinangan o pangkabihasnan.[5]
Ang deklarasyong ito ay hudyat ng pagbabalikwas din ng bayan mula sa kinagisnang gawi tungo sa isang radikal na pagbabago. Ito ang pagbabagong “nag-uutos” na kumawala sa pundilyo ng kanluran at magsimulang tumingin “sa loob,” doon sa pinakapusod ng pagka-Pilipino na masisilip sa kamalayan, isip, diwa, kaloob-looban at kaluluwa ng sambayanan. At higit sa lahat, ito rin ay hudyat ng pagtatagpo, pagsasalikop at pag-iisa ng buhul-buhol na dila, sanga-sangang adhikain, at tagpi-tagping pananaw ng bawat grupong etniko sa Pilipinas. Sa madaling salita, ang pagdukal sa mayamang balon ng ating tradisyon bilang isang lahi ay pagtuklas din sa napakaraming paraan o mekanismo sa kung paano natin maiigpawan bilang bansa ang dibersidad pangwika at pangkultura na ating kinahaharap hanggang ngayon.
Ang Wikang Filipino bilang “Paraluman”: Pagmamaniobra Tungo sa Pagkakaisa ng Wikang Pambansa at Wikang Panrehiyon
Ang salitang “paraluman” ay galing sa matandang Tagalog na tumutukoy sa isang kasangkapan na kahawig ng compass. Ginagamit ito ng mga mandaragat noon para malaman ang kanilang kinaroroonan at patutunguhan. Dahil sa napakahalagang gamit nito, maaring tingnan ang wikang Filipino bilang isang “paraluman,” isang ilaw, parola, tikin, o timon na hahawan sa anumang sagabal dulot ng dibersidad ng wika at kultura sa Pilipinas. Sa ganitong paraan, ang wikang Filipino ay nagsisilbing isang instrumento ng pagbabago, isang kasangkapan na siyang uukit ng tila napakailap na bulaos tungo sa pagkakamit ng isang wika na tunay na pambansa sa karakter at gamit.
Noong 1959, nang tinawag na wikang pambansa ang Pilipino, wari’y hindi pa rin nagkasundo ang mga iskolar at palaaral sa akademya tungkol sa isyu ng isang opisyal na wikang tunay na magbibigkis sa mga Pilipino. Marami ang nagkibit-balikat at nagsabi na ang Pilipino raw ay Tagalog din, kaya hindi man banggitin, may umuugon pa ring debate, baliktaktakan, at singhalan sa bawat gilid, sulok at salikop ng Pilipinas. Nariyan pa rin ang mga usaping patuloy na lumulubog-lumilitaw sa hanay ng napakaraming pagtatalo at panayam tungkol sa kung ano nga ba ang tunay na “anyo” at “katangian” ng isang wika para matawag na pambansa. Noong 1987, ang Pilipino ay naging Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng ating saligang-batas. Sa panahong ito, tila nag-iba ang “klima” ng mga usapan at talakayan tungkol sa wikang pambansa. Sa gitna ng napakaraming haka-haka, obserbasyon, at hinuha, naging positibo pa rin ang pagtanggap sa Filipino bilang wikang pambansa. Hindi na raw ito Tagalog (dahil sa F) at hindi na raw ito maiuugnay sa anumang rehiyon o anumang grupong etniko sa Pilipinas (dahil pa rin sa F at sa nililikhang tunog nito). At higit sa lahat, mas “mayaman” daw sa flexibility at adaptability kung letrang F ang gagamitin, bukod pa sa higit na madali ring mag- asimila, mag-angkop at manghiram ng mga salitang banyaga at katutubo sa anyong ito. Paliwanag nga ni Vilma M. Resuma:
Tinutukoy ang Filipino bilang konstitusyonal na pambansang wika ng Pilipinas simula noong 1987, at bilang dinamikong pambansang lingua franca ng ating multilingguwal na lipunan. Ito ang wikang hindi maitatangging nagtataglay ng “tunog ng Tagalog ng Metro Manila,” malawakang nanghihiram sa leksikon ng Wikang kastila, Ingles, Intsik, at iba pang banyagang wikang na-assimilate sa kulturang Filipino sa pagdaan ng panahon, at natural na lumalaganap sa tulong ng mass media at mga paaralan kung saan ito’y ginagamit bilang isa sa mga wikang panturo sa bisa ng edukasyong bilingguwal…[6]
Nang seryoso at totohanang tanggapin ng sambayanan ang wikang Filipino, dumadagsa ang napakaraming kumperensiya at palihan upang lalo pang pag-usapan kung paano “hikhiklatin” ang kakanyahan ng wikang pambansa (na binaybay na ngayon sa F) tungo sa ibayo nitong paglago at pag-unlad. Sunod-sunod at maiigting ang mga talakayan at panayam tungkol sa pag-aaral ng mga wikang katutubo o panrehiyon (Philippine major and minor languages) at ang mga paraan ng panghihiram tungo sa pagpapayaman ng mga salita sa leksikong Filipino. Marahil ay sinunod lamang ng pasimuno ng mga palihan at kumperensyang ito ang mga mungkahing matagal-tagal na ring isinusog ni Dr. Rosalina C. Matienzo nang sabihin nya ang ganito:
Ang ‘wika ng rehiyon’ ay tumutukoy sa siyam na pangunahing wika sa bansa, kabilang ang Ilokano, Pangasinan, Bikol, Samar-Leyte, Cebuano, Hiligaynon, at Muslim-Mindanao…Ako’y naniniwala na kung mapag-aralan lamang na mabuti ang mga wikang nabanggit at mapipili ang mga salitang magagamit na bagong entradang salita sa diksyunaryong Filipino, ito’y unti-unting makapagpapaunlad sa paglinang, pagpapalaganap at intelektwalisasyon ng Wikang Filipino.[7]
Marahil din ay taos-puso lamang nilang isinasakatuparan ang probisyong nakasaad sa ating 1987 Saligang-Batas:
Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinag, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa mga umiiral na wika sa Pilipinas….[8]
Bunga nito, nabulatlat at natuklasan, malawakan man o hindi, ang napakaraming kaalaman at katotohanan na noon lamang lumutang at napahalagahan. Halimbawa, ang mga letrang C, F, J at V pala ay hindi lamang sa wikang Ingles matatagpuan. Maging anuman ang tunog o paraan ng pagbigkas ng mga letrang ito, napakadami palang salita sa wikang Ibanag na nagsisimula sa C at F, tulad ng:
cada = bawat fungan = unan
cacurugan = katotohanan fanfal = uhaw
cadenilla = kuwintas fuerta = pinto
cacastan = kagandahan futu = puso
May mga salita pa nga sa Ibanag na magkasama ang letrang C at F, tulad ng:
cafaya = papaya
cafo = bulak
cafinuwan = kapinuhan
cafarro = kalikha
caffu = alikabok
cacafian = kahinaan
Marami rin palang salita sa Tausog na nagsisimula sa J o nagtataglay ng letrang ito, tulad ng:
ajal = kapalaran jaman = panahon o orasan
baranja = gasta o paggasta jaga = bantay
hidja = baybay jahil = kiri o landi
Na sa Ivatan, pangkaraniwan lang pala ang mga salitang nagsisimula o may F at V, tulad ng:
avo = abo (ashes) mavodis = pandak (short person)
voday = ahas (snake) daji = bulak (cotton)
Na sa Hiligaynon pala ay marami tayong magagamit na mga salitang pang-agham na maayos ang bigkas at ang baybay at hindi “masakit sa mata” (ayon kay Rogelio Sikat), tulad ng:
lampirong = talukab ng moluska (shell obtained from certain mollusks)
galatong = gasoline o anumang likido na ginagamit sa pagpapaandar ng anumang makina o sasakyan (fuel)
abaghan = katumbas ng isang metro (estimated to measure one meter)
aghom = kompas ng mga marinero (mariner’s compass)
amyon = bango (fragrance, aroma)
bagonbon = buhanging naiiwan pagkaraan ng baha (water sediment from flood)
Batay sa mga halimbawang nabanggit sa itaas, masasabi nga na ‘mayaman’ talaga ang leksikon ng mga katutubong wika sa Pilipinas upang ‘tulungan’ ang pambansang wika sa pagyabong nito. Ang mga halimbawa ding ito ang nagpapatunay na kahit na multilinggwal na bansa ang Pilipinas, ang isang wika ay cognate ng lahat, at ang lahat ay nag-ugat lamang sa iisang pinagmulang pamilya ng mga wika. Kaya’t, bali-baliktarin man ang bawat sulok ng Pilipinas, masusumpungan at masusumpungan mo ang pagkakahawig ng gramatika ng mga ito. kaugnay nito, napagwaring muli ni Vilma M. Resuma ang ganito:
…Nakita ngang taglay ng Filipino ang labing-anim (16) na ponemang segmental ng lahat ng mga wika sa Pilipinas, at kontribusyon din naman sa Filipino ng ilang menor na wika ng bansa ang walong tunog at mga klaster na inakala noong hiram lamang sa mga banyagang wika. Ambag din ng iba pang lengguwahe ng Pilipinas hindi lamang ng Tagalog, ang magkakasintunog at magkakasingkahulugang kogneyt na tinatayang umaabot sa mahigit na 50% ang bilang, gaya ng ipinakikita ng anim (Tag), anam (Kap/Iba), anem (Iva), innem (llk), ennem (Yak), anom/anum (Blk. / Hil. / Sug. / War. / Tau.). Isama pa rito ang ponemik na diin; ang magkakaparehong paraan ng pagbuo ng mga morpema sa tulong ng paglalapi, pag-uulit at pagtatambal; ang mga karaniwang padron ng pagbuo ng mga salita, gayon din ang mga batayang pangungusap; ang komplementasyong verbal; ang semantikong relasyon ng verb o pandiwa sa paksa ng pangungusap; at ang marami pang ibang unibersal na katangian ng mga naturang wika. [9]
Kaugnay ng mga sinabing ito ni Vilma Resuma, makabubuting banggitin ang nilalaman ng isang publikasyon ng Departamento ng Linggwistiks ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiyang ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman na may pamagat na “Grammatical Sketch ng Wikang Ayta-Mag-Antsi” na lumabas noong Disyembre, 2018 sa The Archive, ang opisyal na dyornal ng nasabing departamento. Sa kongklusyon ng publikasyong ito, ipinahayag ang ganito:
Gaya ng ibang mga wika sa Pilipinas, nahahati ang phonology ng Mag-antsi sa mga feature na segmental at suprasegmental. Mayroon itong labimpitong phonemic consonant. . . Mayroong apat na phonemic vowel. . .Phonemic din ang stress o diin, ngunit hindi ang length o haba. Mayroong mga diphthong at cluster, karamihan ay matatagpuan sa mga hiram na salita at impluwensiya ng ibang mga wika. . . Mapapansin din na tulad ng ibang mga wika, nagkakaroon din ng allophonic variation ang /d/ na nagiging [r] tuwing napapagitnaan ng dalawang vowel.
Tulad din ng pagbubuo ng mga salita sa iba pang wika sa Pilipinas, kinakitaan ng mga kaparehong katangian ang Ayta Mag-antsi. Ang mga leksikal na kategoryang tulad ng noun, pronoun, adjective, verb, adverb at case marker na ibinahagi sa diskusyon ay patunay lamang na may mga magkakapareho at magkakaibang feature ang mga wika sa Pilipinas.
Tulad ng ibang mga wika sa Pilipinas, ang Ayta Mag-antsi ay may kakayahang bumuo ng non-verbal sentence o mga konstruksyon kung saan ang predicate head ay hindi verb, kundi mga salitang kabilang sa ibang lexical na category. [10]
Kaalinsabay ng mga pangyayaring ito, dumagsa din ang mga gawaing pananaliksik tungo sa pagtukoy at pagtatamasa ng higit na tiyak (precise) at angkop (correct or appropriate) na salita sa mga terminolohiyang nanggagaling sa mga bagong kalakarang nagaganap sa siyensiya, matematika, industriya, teknolohiya, at maging sa larangan ng agham panlipunan, tulad ng politika. Nabuksan tuloy ang pagdukal na muli ng mga salita na ginagamit sa Pilipinas mula sa iba’t ibang rehiyon. Ito ang sinasabing tunay na “pagtanaw sa loob,” isang gawaing masidhing nagpapahalaga sa mga katutubong wika ng ating bayan. At sa pangunguna ng KWF (Komisyon sa Wikang Filipino), ang pag-aaral at pagbubuo ng mga leksikon ng iba’t ibang wikang sinasalita sa buong Pilipinas ay isinagawa at ipinatupad upang siyang maging batayan o mapagkukunang ‘baul’ ng mga salitang itatapat sa mga bagong salitang walang-lubay na dumadagsa dulot ng pag-igting ng Information Age (Panahon ng Kompyuter at Teknolohiya).
Kung totoong ang pag-aaral ng leksikon ng bawat etnikong grupo sa bansa, lalo na iyong mga bokabularyong pangkultura na kanilang sinasalita, ay pag-aaral din sa kanilang sinaunang tradisyon, pananaw, at gawi, walang pasubaling masasabi natin na ang gampaning ito ay pagkilala rin sa ating mga sarili at pagtuklas sa pambansang kaakuhan. Mainam, kung gayon, na sipatin at sisirin ang mga ito upang mapabilis ang pag-aangkop at pag-aasimila ng mga salita bilang bahagi ng leksikong Filipino. Pakalimiin ang ilang pag-aaral na ibinigay sa ibaba.
Ang Astronomya (Astronomy) ay isang interesanteng larang na maaring pag-ukulan ng pansin. Sinasabing ang mga katawagang astronomiko ng mga ninuno natin ay salamin din ng kanilang ispiritwal at kultural na pamumuhay, bukod pa sa mababanaag sa mga ito ang kanilang simulain at matandang pananaw sa daigdig at pilosopiya sa buhay. Pansinin ang mabusising obserbasyong ito ni Dante Ambrosio, isang guro ng Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas:
Sa mga katawagang astronomiko, mamamalas din ang ugnayan ng iba’t ibang grupong etniko sa Pilipinas. Sa pananaw sa daigdig, isa ang kahulugan ng tukod sa maraming grupong etniko – ito ang haligi na sumusuporta sa sandaigdigan. Ang diyos na si Tinukod ng mga Ifugao ang sumusuporta sa kanilang daigdig. Taliakud ang tawag dito ng mga Tagbanua. Iisa ang ugat na pinagmulan ng mga katawagang ito – tukod…
Ang direksyong ilawud at ilaya sa mga Bontoc ay lagod-aplay; sa mga Ilokano ay laud-daya; sa mga Tagalog ay lDaaot-ilaya; sa mga Ipugaw ay lagod-daiya; sa Maguindanaw ay sailud-saraya…
Magsasaka-mangangaso si Seretar ng mga Tiruray at si Magbangal ng mga Bukidnon. Binubuo ang mga ito ng mga bituin ng Orion, na ayon sa mitolohiyang Griyego ay isang mangangaso rin. Sa ibang grupong etniko gaya ng mga Bagobo, Bilaan, at Manobo, ang mga bituin ng Orion ay tinatawag na Balatik – isang uri ng bitag na ginagamit sa pangangaso. [11]
Kung gagawi naman tayo sa Antropolohiya, hayagang makikita rin ang malinaw na pagbibigkis-sa-wika ng mga grupong etniko sa Pilipinas. Halimbawa, kung susuriin ang katawagan at kahulugan ng salitang kaluluwa, tiyak na madaling magkakaintindihan at magkakaunawaan ang mga grupong etniko sa ating bansa dahil magkakahawig ang pagdadalumat nila sa salitang ito. Pansinin ang obserbasyong ito ni Padre Leonardo Mercado, SVD, sa isang artikulo niya sa Philippine Studies:
The Ibanags of Northern Luzon have a term, ikararua (soul), which means a companion of the body. . . To the south of the Ibanags are the Ilocanos, Jocano says that the Ilocanos have two terms for soul: Al-alia and karkarma (soul). . . The Al-alia, the companion of the body, comes to the bedside of a dying person, stays in the area after death. . . The Ilocano word for the second soul is karma or karkarma (soul, vigor, energy, strength, power). It stays with the individual and leaves the body through the nose only when the person dies. . . Moving to Mindoro, we encounter the Mangyans. According to the Hanunuo-Mangyans, the term for souls is karadwa or kalag. . . The Hanunuo term kalag is also the Cebuano Visayan term for soul. If the Tagalogs hold that the kakambal acts as “guardian angel,” the same view is manifested in Cebuano Visayan as in the expression “maghilak ang imong kalag” (your soul/double/guardian angel will weep). [12]
Hanggang sa ngayon, abala pa rin ang lahat, bagamat pinag-isa na sila ng iisang panata at mithiin. Iba-iba man ang kanilang paraan ng pagtugpa o pagsasakatuparan sa iisang mithing ito, iisa na lang ang tinatanaw ng kanilang misyon at bisyon. Ang mga institusyong pangwika (pribado man o publiko), ang mga guro ng/sa Filipino, ang mga iskolar at palaaral na nagmamahal sa wikang pambansa, at ang iba pang sektor ng lipunan na may malasakit sa pag-unlad ng wikang sarili –ang lahat ng ito o silang lahat – ay patuloy na nakikibahagi sa mga gawain o programang nagtatampok sa Wikang Filipino bilang wika ng bayan. Ito marahil ang sagradong palatandaan ng pagbabalik-loob ng maraming palaaral na Pilipino na “bumalik” sa sinapupunan ni Inang-Bayan, at doon ay magpakalunod sa yakap ng “matanda” at katutubong karunungan.
“Bahandi” ng “ILI”: Ang Wikang Pambansa Bilang Kabuuan at Kaakuhan ng mga Wika sa Pilipinas
Mula sa wikang Bisaya ang salitang “Bahandi,” na ang ibig sabihin ay “kayamanan.” Hango naman sa wikang Iloko at Ibanag ang salitang “ili,” na ang ibig sabihin ay “bayan.” Kung ang pagpapayaman at pagpapaunlad ng pambansang wika ay huhugutin mula sa iba pang wika na malaganap din namang ginagamit sa Pilipinas, maituturing na ang kaganapang ito ay tunay na kayamanan ng bayan dahil sa ganitong paraan, masasabing naigpawan natin bilang isang lahi ang anumang dibersidad pangwika at dibersidad pangkultura na ating kinahaharap. Binubura din nito ang anumang alitang etniko at hidwaang pulitikal na namagitan sa mga grupong katutubo sa Pilipinas sa maraming panahong nagdaan.
Ang pagpapayaman ng pambansang wika sa tulong ng iba pang katutubong wika sa Pilipinas, at ang pagtataguyod sa iba pang wika sa Pilipinas sa ngalan ng pambansang wika, ay isang komplementaryong gawain—nakikinabang ang una dahil sa ikalawa at napaniningning ang ikalawa dahil sa una. Sa ganitong pagturing, masasabi ring ang laum at sanyata ng wikang pambansa ay uswag ng iba pang katutubong wika sa Pilipinas. Sa madaling sabi, ang ‘pag-asa’ at ‘ultimong ikauunlad’ ng wikang Filipino bilang tunay na intelektwalisadong wika (intellectually modernized language) ay walang-dudang nakasalalay sa mga ‘wika ng rehiyon,’ at ang lehitimong pagtanggap naman sa mga ‘wika ng rehiyon’ bilang mga instrumento sa paglago ng wikang pambansa, ay pagtataguyod at pagpapatatag sa karapatang pangwika ng mga taong nagsasalita nito. Dahil kung tutuusin, ang kaganapan ng mga ito ay magpapatibay sa katotohanang lahat ng pangkat etniko sa Pilipinas ay may karapatang mag-ambag sa ikauunlad ng wikang Filipino. At hindi mapasusubalian ang katotohanang ito.
Matagal na panahon na ring nadala tayo ng “maling agos,” nagpakalunod sa paniniwalang kailangang laging tumanaw “sa labas” o “lumabas mismo.” Ito ang kalakarang “bumulag” sa atin upang tanggapin, nang walang kaduda-duda, ang ideolohiyang nagturo sa atin na ang “paglabas ng bansa” ang tunay na magdudulot sa atin ng karunungan, kaunlaran, at kasaganahan. Bukod diyan, matagal-tagal na rin tayong naging manhid sa ating kapwa Pilipino, nagbingi-bingihan at nagbulag-bulagan sa katotohanang dapat nating “halughugin” ang bawat sulok ng Pilipinas, “pakinggan” ang hinaing ng bawat grupong etniko dito, at “isama” sa ating programa ng pagbabago ang kanilang mga sariling adhikain at panimdim.
Marahil ay tama nga ang mga katotohanang binuksan ng Quezon Educational Survey noong 1935 nang sabihin nito, matapos isagawa ang tinatawag na Iloilo Experiments (1948-1950), na higit na natututo ang mga estudyante sa grades 1 and 2 kung ang sarili nilang wika (native or vernacular language) ang gagamitin sa mga asignaturang aritmetika, pagbasa, at araling panlipunan.[13] Ito ang dahilan kung bakit noong Enero 17, 1957, iniutos ni Gregorio Hernandez, Jr. (ang kalihim ng Edukasyon noon), sa ilalim ng Department Order no. 1 s 1957, na gamitin ang bernakular na wika sa una at ikalawang grado sa elementary sa mga asignaturang nabanggit sa lahat ng pribado at publikong paaralan sa buong Pilipinas. Marahil ay kailangang magsimulang muli sa mga katotohanang natuklasan ng Iloilo Experiments of 1948-1950. At higit sa lahat, marahil ay kailangan ngang tutukan pang mabuti ang mga nabanggit na katotohanan upang lalo pa nating makita at maintindihan, bilang isang bansa at bilang isang grupo ng tao, na higit kailanman, ngayon na ang tamang panahon upang lalong mapaigting ang pagkilala sa mga wikang panrehiyon sa Pilipinas, dahil ang ganitong gampanin ay tunay na nagpapakita ng wagas na pagpapahalaga at pagmamalasakit sa wikang pambansa, ngayon at magpakailanman.
Nais kong lagumin at wakasan ang sanaysay na ito sa pamamagitan ng paglalatag ng mga di matatawaran at di maitatatwang kahalagahan ng paggamit ng mga bernakular na wika sa Pilipinas, kung saan man naaangkop ang mga ito, bukod pa sa nabanggit nang kakayahan nitong mapaningning at mapayaman ang wikang pambansa. Para sa akin, ang mga kahalagahang ito ang uukit ng napakaraming bulaos na dapat nating tahakin upang masumpungan ang mga estratehiyang dapat isagawa para lalo pang mapasigla at mapaigting ang ugnayang-pangwika ng mga kalakarang pambansa at panrehiyon. Tungo rito, nais kong himayin at palawakin ang ilang kaisipang inilista sa pag-aaral na ginawa nina Susan Brigham at Emma Castillo (Philippine Education for the 21st Century: The 1998 Philippine Education Sector Study; funded by the Asian Development Bank and World Bank, 1999).[14]Tungkol sa kung bakit hindi kailanman maisasantabi ang gamit ng mga katutubong wika sa Pilipinas. Nawa’y maging inspirasyon sa kasalukuyang pamahalaan at sa iba pang ahensya nito ang mga paliwanag at pagpapalawak ko sa ibaba para maunawaan nilang lubos kung bakit dapat pagsabayin at ‘pagtagpuin’ ang pagdedebelop at pagpapaunlad sa mga rehiyonal na wika at sa wikang Filipino:
1. ang mga bernakular na wika ang nagsisilbing tulay sa pambansang wika – sinumang Pilipino na nakauunawa sa kahalagahan ng pambansang wika, kahit pa nga may sinasalita siyang bernakular na wika, ay naniniwalang higit niyang mapayayabong ang naturang pambansang wika kung sisikapin niyang matutuhan ito. Sa pagnanais na makapagsalita ng Filipino, natutuklasan niya kung paano hihiklatin ang kakayahan ng wikang pambansa sa pag-aasimila ng bigkas, intonasyon at ritmo ng bernakular na wika. Kung gayon, hindi kataka-taka kung magkaroon man ng Sebwano Filipino, Ilokano Filipino, o Bikolano Filipino. At lalong hindi rin kataka-taka kung ang mga barayting ito ng Filipino ay maglulan ng mga katutubong dalumat at diwa, umangkin ng sinaunang ritmo o intonasyon, at magtaglay ng kinagisnang sintaktika, dahil dito masisipat ang tunay na pagsasalikop ng mga wika ng rehiyon at ng wikang pambansa.
2. ang mga bernakular na wika ang tagapaglagak ng tinatawag nating minimal literacy – kung tatanggaping lubusang totoo ang mga pag-aaral (Manalo 1968, Casquejo 1981, Santos 1984) na ginawa tungkol sa kung anong wika ang gagamiting panturo sa antas primarya (grades 1 at 2), masasabing isang katotohanang hindi mapasusubalian na tunay na maihahanda sa epektibong pag-alam at pag-unawa ang mga Pilipinong estudyante sa una at ikalawang grado kung ang ginagamit nila sa pagkatuto ay ang kanilang bernakular na wika. Tila pinagtibay ng mga pag-aaral na ito ang prinsipyo sa edukasyon na natuklasan nina Rudolph Troike at Muriel Saville-Troike na nagsasabing
The most fundamental principle in education is to accept students where they are and lead them where they need to go. This means accepting and respecting the linguistic skills a student brings to school and building on those. The teacher’s goal should be to add to students’ existing linguistic skills not to reject or attempt to replace them. [15]
Tila din ang prinsipyong ito ang dapat na maging panuntunang muhon ng mga patakarang pangwika ng departamento ng edukasyon sa ating bansa sa ngayon.
3. ang mga bernakular na wika ang magtatanggal ng anumang di pagkakaunawaan ng tahanan at paaralan – kahit na anong asignatura o paksa ang ituro sa mga estudyante na nasa una at ikalawang grado, kung itinuturo naman ang mga ito sa kanilang bernakular, mababawasan ang anumang di pagkakaunawaan (sa anumang anyo nito) sa pagitan ng paaralan at tahanan. Ang lahat ng karanasang nasasaksihan ng mga bata, pati na ang mga kaalaman na kanilang natutuhan sa unang dalawang taon ng kanilang pag-aaral sa loob ng paaralan, ay tiyak na makararating sa kani-kanilang tahanan nang malinaw at makahulugan (meaningful), may tamang pagtanggap at wastong pagpapakahulugan, dahil nga ipinararating ito sa pamamagitan ng kanilang bernakular na wika. Walang katapat o ni kapalit man ang estratehiyang ito sa pagbigkis ng maraming ugnayan at komunikasyon sa pagitan ng tahanan at paaralan.
4. ang mga bernakular na wika ang makapaglalagak ng higit na epektibong pagtuturo at makahulugang pagkatuto – gaya ng nasabi na sa bilang 2, tumataas ang antas ng pagkatuto ng mga estudyante kung ang mga asignaturang itinuturo sa kanila sa una at ikalawang grado ay nasa kanilang bernakular na wika. Nakukuha nilang asimilahin, sa napakaikling panahon, ang mga kaalamang pinag-aaralan sa pamamagitan ng mga maiaagapay ng guro ang kanyang paraan ng pagtuturo sa wikang ito. Para sa akin, ito ang tunay na kahulugan ng puro at epektibong pagkatuto na kailanma’y di mapasusubalian.
5. ang mga bernakular na wika ay makapagpapataas sa sinasabi nating self-esteem at academic achievement ng mga estudyante – pinatunayan din naman ng marami ring pag-aaral[1] (Aguilar 1948, Galang 1977, Bautista 1986) na kung Ingles ang gagamiting panturo sa antas primarya, hindi talaga gaanong natututuhan ng mga estudyante ang mga aralin na nagiging sanhi ng kanilang pagkawala ng interes sa pag-aaral, bukod pa sa bumababa ang kanilang pagtitiwala sa sarili at pagpapahalaga sa sariling kakayahan. Sa kabilang dako, kung bernakular naman daw ang ginagamit na panturo, nagiging masigla, malikhain, at aktibong nakikilahok ang mga estudyante sa mga gawaing nangangailangan ng kritikal na paggamit ng pag-iisip. Di man sabihin, ganito daw dapat ang uri ng talakayan sa loob ng klase noon, ngayon, at magpakailanman.
6. at higit sa lahat, ang mga bernakular na wika lamang ang tanging maggagarantiya na ang mabubuti at makabuluhang impluwensiya ng paaralan ay makararating sa tahanan at pamayanan – anumang pagpapahalaga (values) at kaalaman (knowledge) na natutuhan ng mga mag-aaral sa paaralan sa sarili nilang wika ay tiyak na makararating sa tahanan. Ikukuwento at ikukuwento ito ng mga estudyante, gamit ang kanilang bernakular na wika, sa kani-kanilang pamilya, kamag-anak, o maging sa kani-kanilang kaibigan o kasalamuha sa pamyanan. Walang duda, malalama’t malalaman ng tahanan kung gaano katalab ang mga bagay na natutuhan ng kanilang mga anak mula sa paaralan. Sa palagay ko, wala nang pinakamabigat na hamon sa ating edukasyon ngayon kundi ito.
Batay sa mga kahalagahang ito ng mga bernakular na wika o iba pang katutubong wika sa Pilipinas, masasabi natin na taun-taon, sa tuwing ipagdiriwang natin ang buwan ng wikang pambansa, ipinagbubunyi din natin ang kahalagahan ng iba pang katutubong wikang sinasalita sa Pilipinas. At sa ganitong paraan, pinagtitibay din natin ang katotohanang nangyayari din naman sa iba pang panig ng mundo – ito ang katotohanang nagsasabi na ang pagkakaroon ng isang bansa ng maraming wikang sinasalita, bukod pa sa wikang pambansa, ay isang katatagan at hindi kailanman kahinaan, dahil sa dakong huli, nagtutulungan ang dalawa sa iba’t ibang paraan at iba’t ibang larangan tungo sa pagbuo ng isang metatag at maunlad na bansa.
—
[1] Isidore Dyen, “A Lexicostatistical Classification of the Austronesian Languages.” Memoir 19, International Journal of American Linguistics. IUPAL, 1965, p. 2.
[2] Pilosopiya ng Palisi sa Wika ng Unibersidad ng Pilipinas, Talata 1.3
[3] Rolando Tinio, “Filipino Para Sa Mga Intelektwal.” LIKHA. Ateneo de Manila University, 1988, p.7
[4] Bienvenido Lumbera, “Ang Usapin sa Wika at Panitikang Filipino at ang Paglahok ng Pilipinas sa Globalisasyon.” Ang Wikang Filipino sa Loob at Labas ng Akademya’t Bansa. Unang Sourcebook ng SangFil, 1994-2001. Unang Limbag. Quezon City: UP-SWF, 2003.
[5] Zeus Salazar, “Ang Pantayong Pananaw Bilang Diskursong Pangkabihasnan.” PILIPINOLOHIYA. Bautista, V. at Pe-Pua (mga ed.) Maynila: Dalubhasaan ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, 1991.
[6] Vilma Resuma, “Modernisasyon ng Filipino: Pagbabago sa Gramatika.” Ang Wikang Filipino sa Loob at Labas ng Akademya’t Bansa, Unang Sourcebook ng SangFil, 1994-2001. Unang Limbag. Quezon City: UP-SWF,2003.
[7] Rosalina Matienzo, “Wika ng Rehiyon: Pantulong sa Paglinga at Pagpapaunlad ng Wikang Filipino.” Mga Paksa at Artikulo sa Pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa/Buwan ng Wikang Pambansa at Araw ni Balagtas. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2000. p.44.
[8] Saligang-Batas ng Pilipinas, Artikulo XIV, Seksyon 6, Talata 2.
[9] Resuma, p. 342.
[10] UP Department of Linguistics, “Grammatical Sketch ng Wikang Ayta Mag-Antsi,” The Archive, Special Publication No.15, Dec. 2018, p. 110-112.
[11]Dante Ambrocio, “Wika, Astronomya, Kultura: Kulturang Pilipino sa mga Katawagang Astronomiko,” Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan. Eds. Pamela Constantino at Monico Atienza, 1996, p. 280-281.
[12]Leonardo Mercado, SVD., “Soul and Spirit in Filipino Thought,” Philippine Studies, Vol. 39/3rd Q., 1991, pp. 288-291
[13]Democrita Cena, “The Local Dialects as the Medium of Instruction in the Primary Grades.” Philippine Studies, Vol. 6, No.1, March, 1958, p.151.
[14]Susan Brigham and Emma Castillo. Language Policy bfor Education in the Philippines, Technical Background Paper No. 6, 1999.
[15] Rudolph Troike and Muriel-Saville Troike, “Teacher Training for Bilingual Education: An International Perspective.” Issues in International Bilingual Education. New York, Plenum Press, 1982, p. 8.
TALASANGGUNIAN
Ambrosio, Dante. “Wika, Astronomya, Kultura: Kulturang Pilipino sa mga Katawagang Astronomiko.” Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan. Eds. Pamela Constantino at Monico Atienza, 1996.
Brigham, Susan and Emma Castillo. Language Policy for Education in the Philippines, Technical Background Paper No.6, 1999.
Cena, Democrita. “The Local Dialects as the Medium of Instruction in the Primary Grades.” Philippine Studies. Vol.6, No. 1, 1958.
Dyen, Isidore. “A Lexicostatistical Classification of the Austronesian Languages.” International Journal of American Linguistics, Memoir 19, IUPAL, 1965.
Lumbera, Bienvenido. “Ang Usapin sa Wika at Panitikang Filipino at ang Paglahok ng Pilipinas sa Globalisasyon.” Ang Wikang Filipino sa Loob at Labas ng Akademya’t Bansa, Unang Sourcebook ng SangFil, 1994-2001. Unang Limbag, Quezon City: UP-SWK, 2003.
Matienzo, Rosalina. “Wika ng Rehiyon: Pantulong sa Paglinga at Pagpapaunlad ng Wikang Filipino.” Mga Paksa at Artikulo sa Pagdiriwang ng Wikang Pambansa/Buwan ng Wikang Pambansa at Araw ni Balagtas. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2000.
Mercado, Leonardo. “Soul and Spirit in Filipino Thought.” Philippine Studies, Vol. 39/ 3rd Q. 1991.
Resuma, Vilma. “Modernisasyon ng Filipino: Pagbabago sa Gramatika.” Ang Wikang Filipino sa Loob at Labas ng Akademya’t Bansa, Unang Sourcebook ng SangFil, 1994-2001. Unang Limbag, Quezon City: UP-SWF, 2003.
Salazar, Zeus. “Ang Pantayong Pananaw Bilang Diskursong Pangkabihasnan.”PILIPINOLOHIYA. Eds. V. Bautista at Pe Pua. Maynila: Dalubhasaan ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, 1991.
Saligang-Batas ng Pilipinas, Artikulo XIV, Seksyon 6, Talata 2.
Tinio, Rolando. “Filipino Para Sa Mga Intelektwal.” LIKHA, Quezon City: Ateneo de Manila University, 1988.
Troike, Rudolph and Muriel Saville-Troike. “Teacher Training for Bilingual Education: An International Perspective.” Issues in International Bilingual Education. New York: Plenum Press, 1982.
Banner photo by Bas van Wylick on Unsplash.
Leave a Reply