Para kay Ilumin Zamora, may dalawang panahon na sagrado sa kalendaryong pampaaralan bukod sa Pasko at Mahal na Araw: enrollment at graduation. Sa kanyang dalawampu’t limang taong pagtatrabaho sa Registrar’s Office (REG) ng UA&P, ni minsan hindi siya nawala sa opisina sa mga nabanggit na panahon.
“Feeling ko ay mortal sin ‘yun,” natatawang pahayag ng limampung taong gulang na CHED Liaison Officer at Senior Records Officer na mas kilala sa tawag na “Ms. Mina.” “’Yun ‘yung time na kailangang-kailangan kami kaya hindi kami pwedeng mawala.”
Kahit matinding sinusitis ay hindi niya inuurungan. Minsan, natapos nila ang enrollment nang namamaga ang kaniyang mukha. Dati rin ay inaabot sila ng alas-diyes ng gabi sa pagtatala ng grado ng mga mag-aaral ngunit pumapasok pa rin sila ng alas-sais o alas-siyete kinabukasan para maghanda sa enrollment.
Hindi bago para kay Ms. Mina ang gawin kung ano ang kinakailangan kahit mahirap. Bilang panganay sa limang magkakapatid, nagtrabaho siya agad nang makatapos sa kursong Industrial Psychology upang makatulong sa pagpapaaral ng mga nakababatang kapatid. Isinantabi niya na ang pangarap na mag-aral ng abogasya. Makalipas ang ilang taon, bumuo siya ng sariling pamilya. Itinuon naman niya ang panahon sa pagpapalaki sa tatlong anak.
Bagama’t nagsisimula pa lamang siyang magpamilya nang lumipat siya sa UA&P, hindi siya nalingat sa trabaho. Bilang isa sa mga pinakaunang empleyado sa REG, hinawakan lahat ni Ms. Mina ang mga gawain na nauukol sa kanilang opisina: scheduling, grade distribution, course evaluation, records maintenance at iba pa.
“Ang orientation namin, parang jack of all trades. Kasi hindi pwedeng tumigil ang operasyon kung hindi mo alam ang susunod. May domino effect. ‘Pag may ginagawa na ang isa, susunod ka na, kaya dapat mag-ready ka na.”
Ninais din niyang madagdagan ang kaalaman kaya kumuha siya ng Master of Arts in Values Education sa UA&P.
“Ang effect niya sa work ko, parang mas ginanahan ako. Na-inspire ako. Meron pa pala akong maibibigay. May mai-improve pa pala ako sa sarili ko pati sa work ko.”
Nagpapasalamat siya sa suporta sa pamilya at trabaho na ibinigay ng lahat ng mga naging University Registrar: sina Mrs. Virginia Olaño, Atty. Delia Tantuico, Ms. Millie Claro, at Dr. Gladys Golo. Ipinagpapasalamat din niya na napagtapos niya ng pag-aaral sa UA&P ang pangalawang anak. Umaasa siya na kakayanin pa rin niyang pag-aralin sa Unibersidad ang bunsong anak.
“Parang 63 years old ‘ata eh andito pa ko,” tumatawang tinuran ni Ms. Mina.#
Leave a Reply